Kung ang isang babae ay karaniwang nasa likod ng tagumpay ng isang lalaki, may pagkakataon na taliwas ang nangyayari.
Ganito ang naging eksena matapos maaresto ang isang kilabot na kriminal na nakilalang si Tyrone de la Cruz na tinulungan ng kanyang kinakasama na makatakas sa piitan sa Cavite pero ito ang babae rin ang naging dahilan sa pagkakaaresto ng pugante sa Bohol noong Biyernes.
Sinabi ni Senior Supt. Roberto Fajardo, pinuno ng Anti-Kidnapping Group (AKG), na naaresto si De la Cruz at kinakasama nitong si Jean Louise Bitoy matapos ang matinding habulan ng kotse sa national highway ng Alburquerque, Bohol.
Nagtamo ng sugat sa katawan sina De la Cruz at Bitoy matapos bumangga ang kanilang sasakyan sa isang poste ng kuryente, dahilan upang maaresto sila ng pulisya.
Bagamat tumanggi si Fajardo na idetalye ang pagkakaaresto kay De la Cruz, iginiit ng opisyal na si Bitoy ang dahilan kung paano nila natukoy ang pinagtataguan nito.
Si De la Cruz ang itinuturong lider ng isang sindikato na sangkot sa kidnap-for-ransom, robbery at carnapping sa Laguna at Cavite.
Noong Nobyembre 2014, nakatakas si De la Cruz sa Imus City Jail nang tulungan ito ni Bitoy na agawin ang baril ng jail guard bago nagsitakas sakay sa motorsiklo. - Aaron Recuenco