Ni TARA YAP

ILOILO – Dapat na magbayad ang isang government firm ng P7.5 milyon sa pagkamatay ng dalawang miyembro ng pamilya Manguito sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ sa Estancia, Iloilo.

Para kay Elainne D. Manguito, hindi sapat ang P950,000 kompensasyon na inialok ng government corporation na Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM).

Naluluha sa paggunita noong Sabado sa unang anibersaryo ng delubyong idinulot ng Yolanda, naniniwala ang 30-anyos na single mother na hindi ang bagyo ang kumitil sa buhay ng kanyang dalawang taong gulang na anak na babaeng si Kate at ng kanyang 58-anyos na ina na si Jael.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Sinisisi ni Manguito ang power barge ng PSALM sa pagkamatay ng kanyang anak at ina, gayundin sa malubhang pagkakasugat ng kanyang 65-anyos na ama na si Eleuterio at ng nakababata niyang kapatid na si Princess.

Sumadsad ang power barge ng PSALM sa pampang at dinurog nito ang kongkretong bahay ng pamilya Manguito sa baybayin ng Estancia noong Nobyembre 8, 2013 matapos itong tangayin ng storm surge.

Ang bangkay ng anak at ina ni Elainne ay natagpuang palutanglutang at nakukulapulan ng makapal na bunker fuel na tumagas mula sa nawasak na bahagi ng power barge.

KAPABAYAAN

Para kay Elainne, naiwasan sana ang insidente kung tiniyak ng pamunuan ng PSALM na maayos ang pagkakahimpil ng power barge, lalo at inaasahang hahagupit ang bagyo. Nanindigan siya sa kapabayaan ng kumpanya.

Aniya, kung hindi dahil sa power barge ng PSALM ay kumpleto pa sana at malusog ang kanyang pamilya Sinabi pa niyang kung walang oil spill, hindi sana nanganganib ngayon ang kalusugan ng mga residente at ang sitwasyon ng kalikasan sa lugar.

Ang pagtagas ng nasa 900,000 litro ng bunker fuel ang nagbunsod upang ipag-utos ni Iloilo Gov. Arthur Defensor Sr. ang paglikas sa may 5,000 biktima ng Yolanda sa Estancia.

WALANG KOMPENSASYON

Hanggang sa mga sandaling ito ay wala pang natatanggap na anumang halaga ang pamilya Manguito mula sa PSALM.

Sinabi ni Elainne na nilapitan ng PSALM ang kanyang pamilya 10 buwan makaraang manalasa ang Yolanda at nag-alok ng P950,000 bilang kabayaran sa pagkamatay ng kanyang anak at ina at sa pagkakasira ng kanilang bahay. Kalaunan, aniya, ibinaba pa ng PSALM sa P900,000 ang alok nito sa pamilya.