Mga laro ngayon (Ynares Sports Arena):
12pm -- Wangs Basketball vs. Racal Motors
2pm -- Hapee vs. MJM Builders-FEU
4pm -- AMA University vs. MP Hotel
Solong liderato ang tatargetin ng Hapee Toothpaste habang makabasag naman sa winner’s circle ang hangad ng tatlong koponang Racal Motors, MJM Builders- FEU at AMA University sa magkakahiwalay na laro ngayong hapon sa 2015 PBA D-League Aspirants Cup sa Ynraes Sports Arena sa Pasig.
Taglay ang malinis na barahang 2-0 kung saan kasalo nila sa 4-way tie sa pamumuno ang Jumbo Plastic Linoleum, Café France at Cagayan Valley, pupuntiryahin ng Fresh Fighters ang ikatlong dikit na panalo sa pagsagupa sa winless pa ring MJM Builders-FEU sa ikalawang laban ganap na alas-2 ng hapon.
Mauuna rito, magtutuos naman ang Wangs Basketball at ang wala pa ring panalong Racal Motors sa ika-12 ng tanghali habang makakatapat naman ng AMA University Titans sa tampok na laban ganap na alas-4 ng hapon.
Sa kabila ng naitalang dalawang naunang panalo, hindi pa rin nakakampante ang headcoach ng binansagang “powerhouse squad” sa liga na si coach Ronnie Magsanoc.
Naniniwala siyang kailangan pa rin nilang maging handa sa lahat ng laro dahil hindi puwedeng basta balewalain lahat ng teams ngayon na kalahok.
“It will take more effort for us to be able to sustain this dahil ang bibigat ng mga teams at na-infuse sila ng mga bagong pangalan. We just have to be on our toes,” ani Magsanoc.
Sa kabilang dako, magsisikap naman ang Builders na magkaroon ng mas malakas na endgame sa pamamagitan ng pagkakaroon ng solidong teamwork na kinulang sa kanilang naunang dalawang laro.
Binubuo halos ng mga manlalaro ng last UAAP Season 77 men’s basketball finalists Far Eastern University at National University, halatang hindi pa ganap na nagdyi-jell ang koponan sa ilalim ni coach Nash Racela.
Gayunman, sa nakaraan nilang laban, muntik na nilang nasilat ang Tanduay Light kung hindi lamang minalas sa endgame,77-78.
Mauuna rito, sisikapin naman ng Wangs na makabalik sa winning track matapos mabigo sa ikalawa nilang laban kontra sa baguhang MP Hotel Warriors na kasalo nila ngayon sa ikalawang puwesto hawak ang patas na barahang 1-1, panalo-talo kasama ng Cebuana Lhuillier at Tanduay Rum Masters.
Samantala sa tampok na laro, dugtungan ang niposteng 87-70 upset win nila laban sa Wangs Basketball para sa ikalawang sunod nilang tagumpay ang target naman ng koponang pag-aari ni Congressman Manny Pacquiao na MP Hotel Warriors sa pagsagupa nila sa AMA University na nais namang makapasok sa win column matapos ang unang dalawang kabiguan.