TOTOO pala ang tsikang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa taping ang dalawang actor sa Pure Love na sina Matt Evans at Aaron Villaflor.

Matagal na itong nabalita, pero dahil hindi naman nagsasalita pareho ang dalawang aktor dahil hindi rin naman sila mahagilap. Nagkaroon ng pagkakataong ipaliwanag ito ni Matt sa finale presscon ng serye nila.

Bagamat ayaw niyang idetalye ang nangyari ay nagpaliwanag pa rin siya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Wala naman may gustong mangyari ‘yun kasi nagkahalu-halo na, ‘yung tensiyon ng taping, init ng ulo and nagmamadali na kami kasi for airing ‘yung eksena, ‘yung tirik na’ng araw, wala pang lunch, halu-halo na,” bungad ni Matt.

“Doon lang sa blocking lang talaga. Wala nang tensiyon sa amin. Hindi lang talaga namin alam bakit ganu’n kabilis na parang pati sila Direk nagtataka na bigla kaming nag-flare-up dalawa,” dagdag niya.

Nakakagulat dahil sa tagal na ni Matt sa showbiz ay ngayon lang siya nagkaroon ng kainitan na kapwa artista at higit sa lahat, kasama niya si Aaron sa unang serye niyang Pedro Penduko.

Ang maganda kay Matt ay siya na kaagad mismo ang umayos dahil kinabukasan ay kinausap niya si Aaron.

“Normal lang naman na nangyayari ‘yun sa mga sitwasyon. Pero okay na kami ni Aaron kasi parang kapatid ko na din ‘yan. Nu’ng kinabukasan noon, nu’ng nag-taping kami, parang wala lang ding nangyari. Kami pa ba, eh, simula nu’ng Pedro pa lang, book one and two, magkasama na kami. Sabay-sabay kami nag-grow dito sa industry,” paliwanag ng binata.

“Ako na rin mismo ‘yung nagbaba ng pride ko kasi hindi naman kabawasan ‘yun sa pagkalalaki ko, ‘yung paghingi ng sorry. Pinag-usapan namin agad.

“Pagpasok pa lang, sa set pa lang ‘tapos first scene magkaeksena kami, sa tent pa lang, doon pa lang agad, nagyakapan na kami, nag-sorry na agad. Hindi na pumasok ‘yung pride kasi alam naman namin na walang dahilan para pa tumagal,” kuwento ni Matt.