IDINAOS kamakailan ng United States (US) ang kanilang midterm elections, kung saan nagwagi ang Republican Party ng pitong karagdagang Senate seat upang makontrol ang kanilang Senado. Kaakibat ng kanilang paghawak ng House of Representatives, ang US Congress ngayon ay nasa kamay na ng mga Republican – ang Grand Old Party (GOP).

Mahigpit na sinusundan sa Pilipinas ang American elections sa isang malaking dahilan. Sa 2010 census, mayroong 3.4 milyong Filipino-American, at ayon pa sa datos US Department of State, nasa apat na milyon ang Fil-Am noong 2011. May nakapagsabi na walang pamilyang Pinoy na walang kahit isa man lang na kamag-anak sa US.

Binibigkis ng kasaysayan ang dalawang bansa na ito. Ang Spain, dahil nakikita nilang mawawala ang kanilang kolonya sa puwersa ni Gen. Emilio Aguinaldo sa rebolusyon noong 1898, isinuko ang Pilipinas sa US sa bisa ng Treaty of Paris sa taon ding iyon. Gayong masunurin sa superyor na puwersa ng US, ninais ng mga lider na Pilipino na magsikap para sa kalayaan habang nasa ilalim ng pamamahala ng Amerika.

Ipinatupad ng mga Pilipino ang American political system, kabilang ang isang Kongreso na may isang Kamara at isang Senado – ang halalang idinaos ngayong buwan sa US ay para sa mga gobernador ng mga estado at para sa mga miyembro ng Senado. Kumilos din tayo para magkaroon ng two-party system tulad sa US. Nagkaroon tayo ng isa sa pagsisimula ng kasalukuyang Republika ng Pilipinas noong 1946 – na may dalawang pangunahing partido, ang Nacionalista at ang Liberal – ngunit ang martial law noong 1972 at ang pagpapatupad ng parliamentaryang anyo ng gobyerno ang nagbunsod ng multi-party system magpahanggang ngayon, na parang wala sa lugar sa ating pinanumbalik na presidential system.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Karamihan sa mga Pilipino, wala namang pinagkaiba ang Republicans at Democrats. Ang mga Pilipinong estudyante ng kasaysayan, gayunman, ay maaaring mabatid na noong Republican administration ni Pangulong William McKinley na nakuha ng US ang Pilipinas, kasama ang Puerto Rico at Guam. Matapos ang sunud-sunod na pagkahalal ng Republican presidents – sina Theodore Roosevelt, Woodrow Wilson, Warren Harding, at Herbert Hoover – si Franklin Delano Roosevelt ng Democratic Party ang naupo sa puwesto noong 1933 at nagsimula na ang usapin sa kalayaan ng Pilipinas. Sa pagpanaw ni Roosevelt noong 1945, Harry S. Truman ang humawak ng puwesto at sa sumunod na taon, sa wakas kinilala na rin ng US ang kasarinlan ng Pilipinas.

Sa ngayon, ang pagkakaiba ng dalawang partidong Amerikano ay hindi mahalaga sa atin bilang magarbong gilas ng demokrasyang Amerikano. May mga pangamba na maaaring kaharapin ng Democratic President na si Barack Obama ang mga problema sa dalawang huling taon ng kanyang pangalawang termino dahil sa pagkapanalo ng GOP. Ngunit nagdeklara na ang Pangulo na maghahanap siya ng paraan upang makatrabaho niya ang mga Republican upang kapwa nila malutas ang paulit-ulit na suliranin sa pagpasa ng mga batas sa Washington.

Iyon din – ang kahandang makatrabaho ang isa’t isa matapos ang isang mapait na tunggalilan sa eleksiyon – ay bahagi ng kahalagahan ng American elections na hindi dapat mawaglit sa sarili nating mga lider sa pulitika.