Tatatlo lang sa 10 Pinoy ang may sapat na kaalaman sa Ebola virus, ayon sa survey ng Social Weather Station (SWS).

Base sa nationwide survey noong Setyembre 26-29 sa 1,200 respondent, lumitaw na 73 porsiyento ang may kaalaman sa Ebola virus, isang nakamamatay na sakit na nananalasa ngayon sa ilang bansa sa West Africa.

Nang tanungin kung gaano kalawak ang kanilang kaalaman sa Ebola virus, anim na porsiyento ang nagsabing mayroong silang extensive knowledge habang 23 porsiyento ang walang sapat na impormasyon.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nasa 44 na porsiyento ang umamin na wala silang alam sa Ebola virus habang 27 porsiyento ang walang alam sa sakit.

Sa mga nagsabing mayroon silang kaalaman hinggil sa Ebola, 82 porsiyento ang nababahala na posibleng dapuan ang kanilang pamilya ng nakamamatay na sakit.

Habang ang natitirang 18 porsiyento ay hindi nababahala sa banta ng Ebola, 13 porsiyento ang nagsabing bahagya silang nababahala habang limang porsiyento ang walang pakialam.

Sinabi rin ng SWS na 52 porsiyento ng mga Pinoy ang sinusubaybayan ang mga balita sa pagkalat ng Ebola virus sa iba’t ibang bahagi ng mundo—25 porsiyento ang matindi ang pagsusubaybay sa balita habang 27 porsiyento ang pabugso-bugso ang pagsubaybay sa mga balita tungkol sa sakit. - Ellalyn B. de Vera