Ang paghahain ng aplikasyon para sa kompensasyon ng mga biktima ng human rights violation noong Martial Law ay nagsara kaninang 12:00 ng umaga, sa pagtatapos ng anim na buwang pagpoproseso ng pagkakakilanlan at assessment ng mga claimant na maghahati-hati sa P10 bilyon na nabawi mula sa pamilya ng yumaong dating Pangulo na si Ferdinand Marcos.

Sinabi ni Lina Sarmiento, chairperson ng Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB), na ang pagtatapos ng anim na buwang paghahain ng aplikasyon ay magbibigay-daan sa all-out assessment kung sino sa mga naghain ng claims ang peke at sino ang lehitimong biktima noong Martial Law.

“After filing period, each and every claim will be deliberated by the HRVCB to determine legitimacy of the claim and entitlement to an award,” ani Sarmiento.

Kabilang sa deliberasyon ang pagtukoy sa kung sino sa mga biktima ang dapat na tumanggap ng mas malaking bahagi ng nabawing yaman.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

“After all claims have been decided upon, distribution on the award shall be set and announced to the public,” ani Sarmiento.

Itinatag ang HRVCB sa bisa ng RA 10368 na nagbibigay sa gobyerno ng dalawang taon upang kilalanin at bigyan ng karampatang kompensasyon ang mga biktima ng Martial Law.

Ang perang gagamitin sa kompensasyon ay ang nabawi ng gobyerno mula sa mga Marcos makalipas ang ilang taon ng paglilitis sa abroad.

Batay sa datos hanggang nitong Sabado ng gabi, may kabuuang 40,981 na ang naghain ng claims sa HRVCB.

EXTENDED?

Ngunit sinabi ni Sarmiento na posibleng muling buksan ang paghahain ng aplikasyon kung mapagtitibay ang panukala ni Akbayan Rep. Barry Gutierrez na nagsusulong ng anim na buwang extension.

May magkakahiwalay na joint resolution na inihain sa Kongreso at Senado para palawigin ang paghahain ng claims bilang tugon sa ulat ng HRVCB na

nagpapatuloy ang pagdagsa ng claimants sa mga application site.

“The extension will also give more opportunity for other legitimate claimants living in far-flung areas to prepare their documents and file their claims,” ani Sarmiento.

Aniya, paghahandaan ng HRVCB ang posibilidad na magkaroon ng panibagong round ng pagtanggap ng mga aplikasyon kapag naaprubahan na ang hinihiling na extension. - Aaron B. Recuenco