Ni CZARINA NICOLE ONG
Pinangasiwaan kahapon ng National Police Commission (Napolcom) ang entrance at promotional examination sa Philippine National Police (PNP) sa mga itinalagang testing center sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at umabot sa 33,447 ang examinee.
Sinabi ni Napolcom Vice-Chairman at Executive Officer Eduardo U. Escueta na mula sa kabuuang bilang, 11,640 ang kumuha ng PNP entrance examination habang 21,807 ang sumabak sa iba’t ibang promotional test categories.
Mula sa 11,640 aplikante para sa PNP entrance exam, 2,633 uniformed personnel ang kumuha ng pagsusulit sa mga testing center sa National Capital Region (NCR) – Pitogo High School, Benigno Aquino High School at Fort Bonifacio High School sa Makati City.
Inihayag ni Escueta na saklaw ng pagsusulit ang qualifying examination para sa ranggong Police Officer 1 at promotional examination para sa Police Officers 2 at 3; Senior Police Officer (mula SPO1 hanggang SPO4); Police Inspector (Inspector at Senior Inspector); at Police Superintendent ( Chief Inspector hanggang Superintendent).
Nilalaman ng PNP entrance examination ang mga kuwestiyon sa general information, verbal reasoning, quantitative reasoning at logical reasoning.
Habang ang promotional examination ay kinabibilangan ng general information, police administration at operations, at police customs and tradition/values at ethical standards.
Ayon kay Director Josephmar B. Gil, Napolcom acting chief ng Personnel and Administrative Service, ang mga testing center sa promotional examination ay itinalaga sa Makati, San Fernando (La Union), Tuguegarao, Pampanga, Nueva Ecija, Zambales, Calamba, Cavite, Calapan, Legazpi, Iloilo, Cebu, Tacloban, Pagadian, Cagayan de Oro, Davao, Koronadal, Cotabato, Butuan at Baguio City.