Nanindigan ang Korte Suprema sa fiscal autonomy ng hudikatura matapos nitong tanggihan ang mungkahing accounting procedures ng Commission on Audit para sa mga Constitutional Fiscal Autonomy Group (CFAG) member-agencies.
Partikular na inaksyunan ng Korte Suprema ang hininging paglilinaw ng mga budget at accounting officials ng mga korte kaugnay ng panuntunan na ipinatutupad ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa nasabing procedure, ang mga notice of cash allocation (NCA) na nagpaso sa pagtatapos ng bawat quarter at alinmang unexpended cash allocation ng mga korte ay kinakailangang ibalik sa kontrol ng DBM.
Sa mungkahi namang patakaran ng COA, ang pondo ay mananatili sa alokasyon ng hudikatura pero ang paglabas ng pondo ay dapat tumalima sa requirement at kundisyon ng DBM.
Subalit sa resolusyon ng Korte Suprema na pirmado ni Clerk of Court Enriquetta Vidal, ang nasabing patakaran ay taliwas sa mandato na regular at awtomatikong pagre-release ng aprubadong appropriations ng hudikatura.
Tinukoy pa ng Kataas-taasang Hukuman na ang cash allocations para sa hudikatura ay hindi maaring magpaso at ito ay mananatiling nasa kontrol at pananagutan ng kaukulang mga ahensya sa hudikatura.
Iginiit ng korte na ang proposed procedure ay labag sa fiscal autonomy ng hudikatura na ginagarantiyahan ng Article 8, Section 3 ng 1987 Constitution.