Ni GENALYN D. KABILING

Magbibigay ang Pilipinas ng $1 million sa United Nations (UN) upang makatulong sa pandaigdigang pagsisikap laban sa pagkalat ng Ebola virus, ayon kay Pangulong Benigno S. Aquino III.

Inialok ng Pangulo ang ayudang pinansiyal sa UN kasabay ng pagpapaigting ng gobyerno sa mga hakbangin nito upang hindi makapasok sa bansa ang nakamamatay na virus.

Isa sa mga hakbangin ng gobyerno ang pagpapatupad ng 21-araw na quarantine sa mga dumating mula sa mga bansang apektado ng Ebola, kabilang ang 142 Pinoy peacekeeper na nagbalik mula sa Liberia.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Bilang bahagi ng pandaigdigang komunidad, anuman ang mangyari sa ibang bahagi ng mundo, maaaring maapektuhan din tayo. Tandaan lang po natin: Mayroon tayong tinatayang 10 milyong kababayang naghahanapbuhay at naninirahan sa ibang bansa. Obligasyon po ng estadong pangalagaan ang ating mga kababayan, nasaan man silang panig ng daigdig,” sinabi ng Pangulo nang magtalumpati pagdating niya sa Villamor Air Base mula sa kanyang biyahe sa Guiuan, Eastern Samar.

“Kaya nga po, bilang ambag ng ating bansa, magkakaloob tayo ng halagang ‘di bababa sa isang milyong dolyar sa United Nations sa pagsisikap na maagapan ang pagkalat ng Ebola virus disease,” dagdag niya.

Tiniyak din ng Pangulo na may sapat na pondo, health equipment at protective gear ang gobyerno laban sa pagkalat ng Ebola sa bansa.

Kung sakaling mas maraming pondo pa ang kakailanganin para sa kampanya kontra Ebola, sinabi ni Pangulong Aquino na kukuha siya mula sa contingency fund at kahit sa mismong Social Fund ng presidente.

Pinag-aaralan din ng gobyerno ang Corregidor Island at iba pang lugar sa bansa bilang karagdagang quarantine site sakaling dumagsa ang mga biyahero mula sa mga bansang apektado ng Ebola, ayon kay Pangulong Aquino.

Ang Caballo Island, na kasalukuyang inookupa ng Philippine Navy, ang tinukoy na isolation site para sa mga Pinoy peacekeeper na magsisiuwi sa susunod na linggo mula sa Liberia.