Pilit na babawi ang mga miyembro ng national women’s boxing team mula sa nakadidismayang kampanya sa nakalipas na Incheon Asian Games sa paglahok sa 2014 World Women’s Boxing Championships sa Nobyembre 13 hanggang 25 sa Jeju Island, South Korea.
Hindi pa inihahayag ng pamunuan ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) kung sino ang tatlong ipadadalang boksingera sa torneo bagamat ang lahat ng miyembro ay kandidato. Ang Pinay boxers ay nasa kasagsagan ngayon sa pagsasanay.
“Lesson learned ‘yung Asian Games,” sinabi ni national coach Roel Velasco.
“Nahirapan ding mag-adjust ang mga boksingero natin para ma-meet ‘yung weight kasi hindi naman nila timbang ‘yung nilabanan nila don,” pahayag ni Velasco na sasamahan ang koponan katulong si assistant coach at dating national boxer Violito Payla.
Sumailalim naman ang koponan sa isang buwang pagsasanay at maging sa altitude training sa Baguio City bago nagbalik sa Maynila ilang araw lamang ang nakalipas upang ipagpatuloy ang kanilang preparasyon.
“Kulang pa ‘yung naibigay namin doon sa Asian Games, kaya pinaghahandaan namin itong world. Sana maging maganda ang resulta,” ayon pa dito.
Matatandaan na inasahan ang mga babaeng boxer na makapag-uwi ng medalya sa nakaraang Incheon Asian Games subalit umuwing bigo.
Inaasahan na makukuwalipika sa torneo sina light flyweight Josie Gabuco at Maricris Igam, ang flyweight na sina Irish Magno at Aira Villegas, at ang featherweight na sina Nesthy Petecio at Riza Pasuit.
Nakatakdang salain ng ABAP ang tatlong boxers sa susunod na linggo.
Aalis ang koponan patungo sa Jeju Island sa Nobyembre 13.
Una nang lumahok ang koponan sa torneo noong 2012 sa Qinhuangdao, China kung saan ay nakapag-uwi sila ng isang ginto mula kay Gabuco matapos talunin ang pambato ng host country na si Xu Shiqi, 10-9. Nagawa rin ni Gabuco na magwagi ng tanso noong 2008.
Bagamat inaasahan na si Gabuco na makakasama sa koponan, sinabi ni Velasco na ang lahat ng kandidato ay kailangan sumailalim sa matinding selection process kung saan ay kanilang bibigyan ng ebalwasyon ang mga atleta base sa kanilang nakalipas na sinalihang torneo, resulta, kundisyon at disiplina sa labas ng ring.