Ni ELENA L. ABEN
“Kung kakalabanin n’yo kami at sisirain n’yo ang kapayapaan, lalabanan namin kayo nang 24-oras, kahit pa sa gabi.”
Ito ang mensahe ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gregorio Pio P. Catapang Jr. sa Abu Sayyaf matapos niyang ihayag ang pagpapatuloy ng all-out law enforcement operation ng militar laban sa bandidong grupo sa Basilan.
Ito ang sinabi ni Catapang makaraang magpahayag ng buong suporta ang mga lokal na opisyal ng isla sa kampanya ng militar laban sa grupong nauugnay sa Al-Qaeda.
Ayon sa AFP chief, mayroon na ngayong limang batalyon at mga specialized unit ang militar sa Basilan upang pulbusin ang Abu Sayyaf, sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP).
Kahapon lang ay iniulat ang pagkasawi ni Sabri Modja, miyembro ng Abu Sayyaf at tagasuporta ng sub-leader na si Arod Wahing, sa aerial attack ng militar laban sa may 200 miyembro ng grupo sa Sitio Datag Kan Masarin sa Barangay Buhanginan, Patikul, Sulu.
Nagtungo noong Biyernes si Catapang sa Basilan para inspeksiyunin ang mga tropang ipinakalat sa lalawigan.
Mula sa Basilan, nagtungo ang AFP chief sa Camp Navarro sa Zamboanga City na roon ay pinangunahan ni Western Mindanao Command (Wesmincom) chief Lt. Gen. Rustico Guerrero ang pulong ng militar sa mga alkalde ng Basilan, na pinangunahan ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman.
Kasabay nito, nilinaw ni Hataman ang konsepto ng “all-out offensive” na isinusulong ng mga lokal na opisyal sa Basilan.
“Ang all-out offensive ay ang pagpapakilos sa lahat para maresolba ang problema sa Abu Sayyaf. Hindi ito gaya ng all-out war noong panahon ni President Erap Estrada,” ani Hataman. “Actually, secondary lang ang military action dito. Kailangang suportahan nila ang mga law enforcement operation laban sa mga bandido na banta sa kaayusan sa aming mga komunidad.”