Nagpalabas na ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit sa P26 milyong pondo bilang ayuda sa mga tauhan nito na naapektuhan ng supertyphoon “Yolanda” sa Eastern Visayas.

Sinabi ni PNP chief Director General Alan Purisima na mabibiyayaan ng pondo ang 10,132 pulis mula sa apat na rehiyon na sinalanta ng kalamidad.

“Ito ay upang maiangat ang moral ng aming mga tauhan, na alam naman ng lahat na sila ang nanguna sa pagresponde at pagtulong sa mga kababayan din nilang nasalanta,” ayon kay Purisima.

“Ang ilan sa aming mga tauhan ay kabilang sa mga namatay dahil sila ay naka-duty ng mga panahong iyon,” dagdag pa ng PNP chief.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Bukod sa death benefits na inilalaan ng PNP, ipinaliwanag ng opisyal na kada pamilya ng nasawing pulis ay makatatanggap ng P10,000 tulong pinansiyal.

Sinabi ni Director Jaime Morente, PNP Director for Personnel and Records Management (DPRM), na ang P26 milyong pondo ay mula sa mga donasyon ng Armed Forces and Police Savings and Loan Association Inc (AFPSLAI), Public Safety Mutual Benefit Fund Inc (PSMBFI), Public Safety Savings and Loan Association Inc (PSSLAI) and the PNP Provident Fund (PNPPF). - Aaron Recuenco