PHILADELPHIA (AP)- Nagsalansan si Mike Dunleavy ng 12 sa kanyang season-high na 27 puntos sa mahigpitang laro sa ikatlong quarter kung saan ay nahadlangan ng Chicago Bulls ang huling paghahabol ng Philadelphia 76ers para sa 118-115 panalo kahapon.

Nag-ambag si Jimmy Butler ng 23 puntos at nagposte si Pau Gasol ng 17 puntos at 12 rebounds para sa Bulls, na ang 4-0 road start ay ang kanilang pinakamabisang paglalaro simula pa noong 1996-97 season nang maikasa nila ang 6-0 panalo.

Hindi naman nakita sa aksiyon si Bulls' Derrick Rose sa ikatlong pagkakataon sa huling apat na mga laro sanhi ng pagpapagaling sa kanyang sprained ankles na kanyang natamo sa 95-86 pagwawagi noong Huwebes kontra sa Milwaukee nang dating MVP ay magtala ng 13 puntos at 7 assists sa 31 minutong paglalaro. Patuloy siyang sumasailalim sa pagsusuri.

Pinamunuan ni Tony Wroten ang apat na Sixers sa double-figures na kaakibat ang career-high na 31 puntos.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sumadsad naman sa ngayon ang Philadelphia sa 0-6, ang kanilang pinakamasamang season matapos ang kanilang unang 15 noong 1972-73 kung saan ay naitakda sa kasaysayan ng NBA ang napakasamang 9-73 marka.

Umungos ang Bulls ng mahigit sa 18 puntos matapos ang halftime, subalit gumamit ang Sixers ng huling 13-3 run upang isara ang laro sa 116-115 na lamang, may 5 segundo na lamang ang nalalabi, nang isagawa ni Chris Johnson ang 3-pointer makaraang magmintis si Kirk Hinrich sa kanyang dalawang free throws sa nakaraang posesyon ng Chicago.

Sinundan ni Hinrich ang tres ni Johnson nang maisakatuparan ang pares ng free throws upang ibigay sa Chicago ang 3 puntos na kalamangan, may 2.1 segundo pa sa orasan. Nagtabla pa sana ang laro subalit kinapos ang 35 feet basket ni Johnson bago tumunog ang final buzzer.

Pinagpahinga si Philadelphia rookie Nerlens Noel makaraang magtamo ng pinsala sa kanyang kaliwang bukung-bukong noong Huwebes matapos ang 91-89 loss sa Orlando.

Si Henry Sims ang humalili sa puwesto ni Noel kung saan ay nagtarak ito ng 16 puntos at 8 rebounds. Naitakda rin ni Hollis Thompson ang career-high na 21 puntos habang inasinta ni Luc Mbah a Moute ang 16 puntos at 11 boards para sa Sixers.

Ang tres ni Dunleavy mula sa kaliwang bahagi ng korte ang nagbigay para sa 14-5 run ng Bulls sa loob ng unang 3:53 sa orasan sa third quarter, nagkaloob sa Chicago para sa kanilang pinakamalaking kalamangan, 71-62.

Ipinagpatuloy ng Chicago na hadlangan ang Sixers, 35-19, sa ikatlong quarter upang kunin ang decisive 92-76 advantage sa final period.

Tinipa ni Dunleavy ang 9-for-15 sa shooting mula sa field, kasama na ang 5-for-8 na mula sa arko.

Umabante ang Sixers ng mahigit sa 9 puntos sa unang half subalit nagtapos ang magkabilang panig sa 57-all. Kinamkam ni Wroten ang 14 puntos sa break para sa Philadelphia.

Nagbalik si Joakim Noah sa lineup para sa Bulls makaraang maimintis nito ang huling dalawang mga laro sanhi ng tinamong flu-like symptoms, kung saan ay nagposte ito ng 5 puntos at 9 rebounds.

PASAKALYE: Pinagpahinga si Philadelphia forward Malcolm Thomas sanhi ng left knee injury. . Nanood si Philadelphia Eagles wide receiver Jeremy Maclin sa laro mula sa courtside seats.