NANG ianunsiyo ng Malacañang na nilagdaan ni Pangulong aquino noong Oktubre 29 ang isang P167.9 bilyong Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan para sa mga lugar na sinalanta ng super-typhoon Yolanda, marami ang nagtaka kung bakit inabot ng mahigit isang taon ang gobyerno na magkaroon ng naturang plano.

Ang master plan, na binalangkas ni Presidential assistant for Rehabilitation and Recovery Panfilo Lacson, ay isinumite sa Malacañang noong agosto 1. Sinabi ni Lacson na inabot ng walong buwan upang ma-finalize ang programa dahil isinama rito ang mga plano ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Inialok niya ang kanyang serbisyo para sa implementasyon ng plano, ngunit wala nang narinig tugnkol sa comprehensive program o ng kanyang alok. Hanggang nitong halos tatlong buwan na nakaraan, nang nilagdaan ni Pangulong aquino ang master plan, sampung araw bago ang anibersaryo ng Yolanda.

Ang mga survivor ng super-typhoon ay may iba’t ibang tagumpay sa kanilang pagsisikap na bumangon, na ang ayuda ay halos nagmula sa sarili nilang pamahalaang lokal, mga ahensiyang pambansa at lokal na nagpatupad ng sarili nilang programa nang wala man lang national master plan, malaking ayuda mula sa mga gobyerno ng ibang bansa at mga pribadong organisasyon sa buong daigdig, at international agencies tulad ng Red Cross.

Maraming Yolanda survivor na nawalan ng kanilang mga tahanan, gayunman, ay patuloy na nagrereklamo sa kakapusan ng ayuda upang sila ay mailipat sa ibang lugar. Isang grupo na tinatawag na People Surge ay nagpahayag ng plano para sa isang kilos protesta ngayong araw.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Noong isang araw, inanunsiyo ng Malacañang na inatasan ng Pangulo ang 11 ahensiya ng gobyerno na magtalaga ng mga opisyal sa bawat apektadong probinsiya na magpapakilos ng processing at issuance ng mga documento sa mga Yolanda survivor, kagugnay ng administrative Order 44 ng Pangulo para sa pagtatatag ng isang one-stop shop para sa resettlement efforts.

Ang lahat ng pagsisikap na ito ay katanggap-tanggap, ngunit mas katanggap-tanggap kung nangyari ito nang mas maaga, hindi sa bisperas ng anibersaryo ng super-typhoon Yolanda, ilang linggo o kahit na ilang buwan matapos ang nakamamatay na kalamidad, upang ang anibersaryo ngayon ay maging araw ng selebrasyon ng matagumpay na mga recovery program sa halip na mga kilos protesta dahil sa kakulangan ng aksiyon.