Taulava at Fajardo

Laro ngayon:

(Tubod, Lanao del Norte)

5 p.m. NLEX vs. San Miguel Beer

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Muling makalapit sa liderato sa pamamagitan ng pagpuntirya sa solong ikalawang puwesto ang tatangkain ng dating lider na San Miguel Beer sa pakikipagtuos sa baguhang NLEX sa pagpapatuloy ng aksiyon ng PBA Philippine Cup ngayon sa Tubod, Lanao del Norte.

Nalaglag ang Beermen sa ikalawang posisyon kung saan kasalo nila sa kasalukuyan ang Meraleo at Barangay Ginebra makaraang mabigo sa kanilang huling laro noong nakaraang Miyerkules ng gabi sa namumuno ngayonna Alaska, 63-66.

Ayon kay Beermen team captain Arwind Santos, kailangan nilang pag-ibayuhin ang pamamaraan ng bawat nilang laban upang sa ganoon ay patuloy na nasa kontensiyon ang kanilang koponan.

Inamin ng dating league MVP na ito ang matagal ng kulang sa kanilang koponan na hanggang ngayon ay hindi pa nila napupunan.

“In the end lang bumibigay kami. Iyon ang naging sakit ng San Miguel eh, kaya minsan, nahihirapan kaming abutin ang goals namin,” ani Santos.

“Nakalalamang kami, tapos, biglang hahabulin. Kapag nahabol, ‘di na kami makabalik, so kailangan ‘yun ang pagaralan namin,” dagdag nito.

Sa kabilang dako, muling bumagsak makaraan ang kanilang naging panalo laban sa Barangay Ginebra, magtatangka ang Road Warriors na makabalik sa winning track kasunod sa natamong 75-90 kabiguan sa kamay ng Meralco Bolts.

“I hope we learn from this loss. Sabi ko nga sa mga player, we’re just lucky that we won against Ginebra. We just have to work hard and improve,” ayon kay Road Warriors coach Boyet Fernandez.

Samantala, tiyak na aantabayanan ng fans ang pagtatapat ng dalawang higanteng sina Asi Taulava ng NLEX at ang reigning MVP ng Beermen na si Junemar Fajardo na makakadagdag ng atraksiyon sa lahat ng mga manonood ng laro sa Mindanao Sports and Civic Center.