CABANATUAN CITY - Dahil sa kawalan ng pondo para sa pagdaraos ng plebisitong itinakda ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Nobyembre 8, kinansela na ng komisyon ang nasabing botohan.

Sa pinagtibay na resolusyon, base sa rekomendasyon ni Executive Director for Operations Bartolome Sinocruz, magtatakda na lang ng panibagong petsa para sa plebisito kapag nakakuha na ang Comelec ng sertipikasyon na may pondo para sa plebisito mula sa pamahalaang lungsod.

Ayon kay Sinocruz, may kabuuang P100.9-milyon ang kailangan sa pagdaraos ng plebisito samantala aabot naman sa P47.5 milyon ang kailangang i-remit sa Comelec Central Office.

Sinabi naman ni City Treasurer Florida Oca na dahil sa kawalan ng pondo, sa ikatlong beses ay muling ipinagpaliban ang pagboto ng lalawigan para sa conversion ng Cabanatuan bilang Highly Urbanized City (HUC).

National

‘Life-threatening conditions’ nagpapatuloy sa ilang bahagi ng Luzon dahil kay Marce – PAGASA

Ayon naman kay Provincial Election Supervisor Panfilo Doctor Jr., may 1,360,506 na rehistradong botante sa 27 munisipyo at limang lungsod na magdedesisyon sa usapin.

Matatandaang Hulyo 4, 2012 nang ipinalabas ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang proklamasyon para sa conversion ng lungsod sa HUC mula sa pagiging component city, pero hindi natuloy ang plebisito noong Disyembre 1 dahil sa inilabas na temporary restraining order mula sa Palayan City.

Muling itinakda ang plebisito noong Enero 25, 2013 na hindi rin natuloy matapos katigan ng Korte Suprema ang petisyon ni Gov. Aurelio Matias Umali na pabotohin ang buong probinsiya at hindi lang ang siyudad.