Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang balitang kumakalat sa social media na mayroon nang 18 kumpirmadong kaso ng Ebola virus sa Quezon City.

Itinanggi ni DOH Officer-in-charge Janette Garin na may empleyado sila na nagngangalang Gemma Sheridan na sinasabing nagkumpirmang nakapasok na sa bansa ng nakamamamatay na sakit.

“There is no truth to this report. No case of Ebola has entered the Philippines. The website where the online report was published- Viral Ninja (safeurlpath. com),is a hoax,” paliwanag ni Garin, sa isang pulong balitaan.

Tiniyak din nito na istriktong minomonitor ng Inter-Agency Task Force on Ebola ang lahat ng naiulat na Ebola Virus Disease (EVD) na nangyari sa lahat ng apektadong lugar sa Western Africa.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Umapela si Garin sa publiko na itigil na ang pagpapakalat ng mga walang basehan at hindi kumpirmadong report dahil nagdudulot lamang ito ng pangamba at panic sa publiko, na nagiging sanhi para lalong manganib ang mga buhay.

Payo niya, kung nais ng publiko na makakuha ng tamang impormasyon sa Ebola virus, bumisita sa kanilang official Facebook page na Department of Health Philippines at sa kanilang website na www.doh.gov.ph.