CAMILING, Tarlac - Sinalakay kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang malaking shabu laboratory sa isang abandonadong gusali ng multipurpose cooperative at pitong Chinese ang naaresto sa Camiling, Tarlac.
Ayon kay Atty. Eric Isidoro, hepe ng NBI Anti-illegal Drugs Unit, ito ang pinakamalaking shabu laboratory na sinalalay ng NBI sa bansa at kaya ng pasilidad na gumawa ng hanggang 100 kilo ng shabu sa isang araw, kaya naman tinagurian itong Mega Laboratory.
Sinabi ni Isidoro na aabot sa P2-bilyon halaga ng shabu ang nakumpiska ng NBI at ibebenta sana ang mga ito sa Metro Manila at sa mga karatig na probinsiya.
Inaalam pa ang pangalan ng mga naarestong Chinese.
Agosto 20, 2014 nang rentahan ng isang Filipino-Chinese ang gusali at sa harap nito ay naghambalang ang maraming plastic container kaya nagmistula itong junk shop at hindi kapansin-pansing may laboratoryo sa loob.