Umabot sa mahigit P1 bilyon ang ibinuhos na pondo ng Social Action Center ng Simbahang Katoliko para sa relief, rehabilitation at recovery ng halos dalawang milyon katao na direktang naapektuhan ng bagyong ‘Yolanda’ noong nakaraang taon.

Ito ang iniulat ni Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (CBCP-NASSA), kasabay ng paggunita sa unang anibersaryo ng trahedya ngayon.

Ayon kay Gariguez, 9.7 milyong Euro o P563 milyon ang kabuuang budget ng humanitarian arm ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas sa malawakang recovery at rehabilitation program o REACH Philippines (Recovery Assistance to Vulnerable Communities Affected by Typhoon Haiyan in the Philippines) sa matitinding naapektuhan ng bagyong ‘Yolanda’ sa 35 parokya ng Archdiocese ng Iloilo, Archdiocese ng Capiz, Archdiocese ng Cebu, Archidocese ng Palo, Diocese ng Kalibo, Diocese ng Antique, Diocese ng Borongan, Diocese ng Calbayog, Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa, Palawan.

Ang naturang halaga ay mula sa 41 Caritas Internationalist member organization sa anim na kontinente.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nakapaloob sa REACH Philippines program ng CBCP-NASSA ang 130 remote community o kabuuang 141,112 beneficiary na hindi gaanong nabigyan ng tulong.

Anim na sektor ang bahagi ng REACH Philippines na kinabibilangan ng: 1. Shelter; 2. Food Security and livelihood; 3. WASH (water, sanitation and hygiene 4. DRR (disaster risk reduction); 5. Community organizing; at 6. Ecosystem recovery.

Inihayag ni Gariguez na 3,753 permanent housing o disaster resilient shelter ang ipinapagawa ng CBCP-NASSA, na katuwang ang mga apektadong Diocese sa 1,600 bahay na natapos.

Mayroon ding 35,550 WASH facility ang na-install ng CBCP-NASSA habang 70 food security and livelihood projects ang naipagkaloob nila sa 10,125 household beneficiary.

“Karamihan kasi sa ipinatayo ng government eh bunkhouses, ang Simbahan target hanggang Marso na maipatayo ang higit sa 3,000 bahay,” sinabi ni Gariguez sa panayam ng Radyo Veritas.

Dagdag pa ng pari, inaasahang sa Abril 2015 ay muling aapela ang Simbahan para sa karagdagang P300 milyon upang tutukan naman ang ecosystem rehabilitation.

Samantala, hangad ng dalawang mambabatas na kilalanin ng buong bansa ang kabayanihan ng mga Pinoy na nag-volunteer para makapagsimulang muli ang mga sinalanta ng Yolanda.

Inihain nina Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe at 1CARE Party-list Rep. Michael Angelo Rivera ang House Resolution 1581 na nagbibigay pugay sa magigiting na volunteer at miyembro ng Task Force Kapatid na ipinadala sa mga lugar na sinalanta ng bagyo upang agad na maibalik ang supply ng kuryente sa mga ito.

Ayon sa HR 1581, dapat na parangalan ang nasa 1,200 TFK volunteer “for their heroism, selflessness and sacrifice beyond the call of duty for working under adverse and harsh conditions to repair and rehabilitate power lines and stations” sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda.

“Here are people who are willing to heroically work for hours on end in disaster-stricken areas,” ani Batocabe. “These volunteers were immediately mobilized and called to action to tirelessly and painstakingly rehabilitate power lines, dig holes and erect poles while helping burying dead bodies and clearing the streets of tons of debris without due regard to their own security and safety.”

May ulat ni Ben R. Rosario