Wala nang makapipigil pa sa imbestigasyon sa Iloilo Convention Center (ICC) matapos na isumite na ng dating opisyal ng lalawigan ng Iloilo ang mga dokumento hinggil sa labis na presyo ng proyekto na iniuugnay naman kay Senate President Franklin Drilon.

Ayon kay Senator Teofisto Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, itinakda na ang pagdinig ng ICC sa Nobyembre 13, habang sa Disyembre 1 naman bubusisiin ang Malampaya fund scam.

Noong Huwebes ng gabi ay isinumite na ni Manuel Merojada Jr., dating provincial administrator ng Iloilo, ang mga dokumento.

Nauna nang hinimok ni Guingona si Merojada at iba pang mga opisyal na isinasangkot sa anomalya na magsumite na ng kanilang mga dokumento.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nitong Martes, nagsumite na rin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga dokumento habang hinihintay naman ang mga dokumento mula sa Department of Tourism.

Una nang itinanggi ni Drilon ang akusasyon at iginiit nito na ang naging papel niya ay ang maglaan lamang ng pondo sa proyekto.

Aniya, nakahanda naman siyang harapin ang mga akusasyon sa kanya, subalit mag-inhibit naman siya bilang miyembro ng Blue Ribbon Committee.

Ilang beses na ring naantala ang pagdinig sa Malampaya fund dahil sa wala ang resource persons.

Una itong itinakda noong Mayo hanggang sa muling ineskedyul noong Septyembre, ngunit sa dalawang pagkakataon ay hindi puwede ang resource speakers.