BUTUAN CITY – Isang suspek sa pagnanakaw na kalaunan ay nakilala na isang barangay chairman sa Surigao del Norte ang naaresto ng awtoridad sa Surigao City, iniulat kahapon ng pulisya.

Kinilala ni Senior Insp. Joel Cabanes, hepe ng Intelligence Division ng Surigao City Police Office (SCPO), ang suspek na si Dominador P. Dalubatan, 37, chairman ng Barangay Binucaran sa Malimono, Surigao del Norte.

Naaresto si Binucaran sa kanyang bahay dakong 1:30 ng hapon noong Nobyembre 5, ayon sa pulisya.

Nakumpiska rin ng SCPO mula sa chairman ang isang M16 armalite rifle na nakakabitan ng M203, 140 bala ng M16, isang .45 caliber pistol na kargado ng bala, at isang .40 caliber S&W Armscor pistol na may bala.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Cabanes na akusado ang barangay chairman sa pagnanakaw sa isang pension house at multi-trade center bandang 3:00 ng umaga noong Nobyembre 5, sa P. Reyes Street, Bgy. Taft, Surigao City.

“Kinilala ang suspek ng room boy ng pension house sa pamamagitan ng CCTV footage,” ani Cabanes.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nakapasok ang suspek sa pension house matapos sirain ang kandado sa unahan ng sliding glass window at dinistrungka ang drawer ng may-ari ng bahay para matangay ang P60,000 cash.

Itinanggi ng chairman ang paratang.- Mike U. Crismundo