“Wala na nga kaming dagdag sahod, dinagdagan pa ang gastos namin.”

Ito ang hinaing ng mahigit sa 13,000 guro at empleyado ng Department of Education (DepEd) sa Quezon City na matiyagang naghihintay sa kanilang local allowance na atrasado na ang pagpapalabas ng halos apat na buwan.

“Wala nang saysay ang allowance na ibinibigay ng lokal na pamahalaan na dapat sana’y malaking tulong para sa aming may kakarampot ng suweldo at benepisyo, kung patuloy na maaantala ang pagpapalabas nito,” pahayag ni Quezon City Public School Teachers Association (QCPSTA) at Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Quezon City President Dr. Priscilla Ampuan.

Ang local allowance ay buwanang ibinibigay ng lokal na pamahalaan bilang insentibo sa mga guro at empleyado ng DepEd. Ang halaga nito ay depende sa naaprubahang budget ng isang local government at sa Quezon City ay itinakda sa P2,000.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nagpoprotesta ang mga guro at empleyado ng DepEd-Quezon City laban sa pagkakaantala ng pagpapalabas ng kanilang allowance matapos ilipat ang account nito sa Globe-BPI Banko mula sa Land Bank of the Philippines.

Nanawagan ang dalawang grupo kay Quezon City Mayor Herbert Bautista na agad na bawiin ang paglilipat ng account ng kanilang local allowance at ibalik ito sa LBP upang hind maging komplikado ang proseso sa pagpapalabas ng pondo. - Ina Hernando Malipot