Manatiling matatag sa ikatlong puwesto ang kapwa tatangkain ng Rain or Shine at Talk ‘N Text sa dalawang magkahiwalay na laro ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Unang sasabak sa pambungad na laban ang Elasto Painters kontra sa winless pa rin na Barako Bull sa ganap na alas-4:15 ng hapon.

Makakatapat naman ng Tropang Texters sa ganap na alas-7:00 ng gabi ang baguhang Kia Sorento.

Nagkataon na nagkaharap ang Rain or Shine at Talk ‘N Text sa nakaraan nilang laban kung saan namayani ang huli, 99-76, nagbida sa nasabing laro ang dating draft pick ng Elasto Painters na si Kevin Alas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nagposte si Alas ng kanyang pinakamagandang laro bilang pro ng 18 puntos, 6 rebounds at 4 assists upang pamunuan ang Tropang Texters sa pagbalik sa winning track at pag-angat sa barahang 2-2 (panalo-talo).

Inaasahan ni coach Jong Uichico na sa murang career ng kanyang rookie, unti-unting kinakikitaan ito ng consistency sa kanyang laro upang maging isa sa pangunahing manlalaro na kanilang masasandigan sa kanilang kampanya.

Inaasahang magiging dikdikan ang laban sa pagitan ng Elasto Painters at ng Energy Colas dahil siguradong maghahabol para makabawi ang una sa naturang pagkatalo sa TNT habang sisikapin naman ng huli na makaiwas na bumagsak sa ikaapat na sunod nilang pagkatalo at makasama ng Blackwater sa ilalim ng team standings.

Sa tampok na laro, pinapaboran naman ang Talk ‘N Text kontra sa baguhang Kia Sorento na kasalukuyan namang nasa ikalimang puwesto na taglay ang barahang 1-3 (panalo-talo) makaraang mabigo sa ikatlong sunod na pagkakataon sa kamay ng Globalport noong nakaraang Nobyembre 4, 79-84, matapos magwagi sa kanilang opening day game laban sa Elite.