Hinarang ng government prosecutors ang panibagong pagtatangka ni dating Technology Resource Center (TRC) Director General Dennis Cunanan, na nahaharap sa kasong katiwalian bunsod ng pork barrel scam, makabiyahe sa ibang bansa bilang isang opisyal ng Junion Chambers International (JCI).
Sa dalawang mosyon na inihain sa Sandiganbayan Third Division, hiniling ni Cunanan na makabiyahe sa United States matapos atasan ng 2014 JCI president na magtungo sa JCI World Headquarters upang tulungan ang secretariat ng lupon sa paghahanda sa World Congress sa Leipzig, Germany.
Sinabi ni Cunanan sa korte na siya ang world secretary general ng JCI na nakabase sa St. Louis, Missouri.
Ayon sa prosecutor John Turalba, mawawala si Cunanan sa bansa ng kabuuang 22 araw sa pagtungo nito sa US at Germany.
Kung papayagan na makaalis ng Pilipinas si Cunanan, nangangamba si Turalba na posibleng ito ay tumakas sa kaso at hindi na muling magpakita.
Sa kanyang petisyon, sinabi ni Cunanan na mananatili sa US mula Nobyembre 10 hanggang 16 at sa Germany, mula Nobyembre 18 hanggang Disyembre 2, 2014.
“Moreover, the Honorable Court cannot exercise jurisdiction in the places Cunanan sought to visit. As such, it is tantamount…that he must be always available when summoned by the Honorable Court,” ayon sa 3-pahinang letter of opposition ng prosekusyon. - Ellson A. Quismorio