Ni ZALDY COMANDA
LA TRINIDAD, Benguet – Ikinababahala ng mga awtoridad ang biglaang pagsulpot ng mga tinatawag na “lollipop girls” na nagbebenta ng panandaliang aliw sa bayang ito.
Ang mga sex worker ay pawang mga dayo na nagtatrabaho bilang waitress sa ilang restaurant at bar sa araw, pero pagsapit ng hatinggabi ay nakakalat na ang mga ito sa mataong lugar hawak ang lollipop na senyales na sila ay nagbebenta ng panandaliang aliw.
Batay sa monitoring ng municipal health office, tumaas ang naitala bilang ng sexually transmitted disease (STD) ngayong 2014, kumpara noong nakaraang taon.
Resulta umano ito ng kanilang mahigpit na monitoring, pero hindi inaalis ang posibilidad na isa rin sa mga dahilan ang pagdami ng “lollipop girls.”
Ang problemang ito ay unang naitala sa Abatan, Buguias, Benguet.
Kamakailan ay ilang menor de edad ang nabawi ng mga Criminal Investigation and Detection Unit at Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa isang bar, matapos makatawag ang isang dalagita sa kanyang mga magulang sa probinsya at nagsumbong na pinipilit siyang magbenta ng aliw.