YEN Santos

DAHIL sa ‘pagmumura’ ng direktor at ni Katotong Ogie Diaz ay natututong umiyak si Yen Santos.

Tinanong si Yen sa finale presscon ng Pure Love kung bakit ang bilis-bilis niyang umiyak sa mga eksena, kaya nagkuwento siya na bagamat naiiyak na naman siya sa pagkakaalala sa sobrang hirap na mga pinagdaanan niya sa showbiz labis-labis naman ang pasasalamat niya ngayong napapansin na siya.

Pagkatapos ng Q and A portion, agad naming inalam kay Yen kung anu-ano ang mga pinagdaanang nabanggit niya.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Produkto pala ng Pinoy Big Brother Teen Clash Edition 2010 si Yen, kasabayan ni James Reid.

“Nakatikim po ako ng mura, actually, minumura na ako kasi nga po hirap akong umarte at umiyak, so alam ko motivation iyon at hindi naman iyon personal. Pero kahit na, bad words pa rin po ‘yun,” kuwento ng dalaga.

Sa seryeng Mutya na ipinalabas noong Enero 2011 nakatikim ng mura si Yen.

“Actually, si Mama Ogie po ang unang nakapagpaiyak sa akin sa showbiz, tandang-tanda ko ‘yun. Pero usapan daw nila ‘yon ni Direk (Erik Salud) na sabi niya, ‘Direk, gusto mo ako na,’ kasi dalawang oras na po, hindi talaga ako maiyak. Parang sabi nga ni Direk Erik (kay Ogie), ‘Sige ikaw na.’

“’Tapos sabi nga po ni Mama Ogie, ‘Ano ba naman ‘yan, may scoring pa po, ‘yung bata sa radyo pagod na pagod nang kumanta hindi ka pa rin naiiyak, bakit ka pa nag-artista?’ May mga ganu’n po. So, ‘yun po, parang ako rin, nahiya na ako sa sarili ko na lahat sila naghihintay din kasi hindi nga ako makaiyak.

“Hanggang sa nakaiyak na rin po, pero after no’n ang dami ko pang eksenang ‘pag mga iyakan na ganyan, hindi talaga ako makaiyak, sobrang pinapagalitan ako. Naranasan ko talagang murahin ako ng ilang beses.

“Siyempre masakit po ‘yun sa akin, iniisip ko na lang na motivation na rin nila ‘yun. Ewan ko ba, kasali na ba ‘yun ngayon para i-motivate ka?” kuwento ni Yen.

Dahil sa naranasan niyang iyon ay naisip niyang mag-give-up sa showbiz.

“Naisip ko po na baka hindi para sa akin ang showbiz kasi pag-iyak lang hindi ko magawa. Nu’ng gusto ko nang gumive-up, naisip ko ituloy na lang kasi naging challenge sa akin po na galingan at aralin ang bawat karakter, ang bawat trabahong ibigay sa akin at hindi ko na magiging problema ang pag-iyak na ‘yan dahil mayroon na akong paghuhugutan,” pahayag ng dalaga.

Hindi naman nabigo si Yen dahil pagkatapos ng Mutya ay may kasunod kaagad siyang project na.

“Napasama po ako sa Growing Up, ‘yung kina Kathryn (Bernardo) at Daniel (Padilla), ‘tapos Pintada with Martin del Rosario, then guesting sa MMK.

“After po no’n, matagal din akong nawalan ng work, pero sa unang MMK ko, sobrang natuwa ako kasi, di ba, MMK, iyakan ‘yun? Hindi ako makapaniwala na binigyan ako ng lead role ng MMK, parang sabi ko sa sarili ko na baka ito na ‘yung start na maipakita ko na ‘yung talent ko talaga at may mga taong naniniwala talaga sa akin,” nakangiting kuwento ng isa sa pinakamagagandang mukha ngayon sa showbiz.

Ano ang technique ni Yen kaya sisiw na lang sa kanya ang pag-iyak sa mga eksena ngayon?

“Ngayon po kaya naman ako madaling maiyak dahil din naman sa karakter ni Isabel sa Pure Love, sobrang inaral ko na po ‘yung karakter ko kaya sa puso mo, alam mo na ‘yung atake,” sagot ng aktres.

Nakatulong sa kanya nang husto ang workshop ng cast ng Pure Love.

“Tinuruan kami kung paano mag-relax, kasi noong first taping ko, ang tagal kong walang trabaho bago dumating itong Pure Love na actually, give-up na ulit ako kasi wala akong work, nag-aaway na kami ng mom ko at sabi nga niya, ‘Ano ka ba, umuwi ka na lang ng Nueva Ecija, wala ka namang ginagawa d’yan’, ‘tapos dumating na po itong offer ng Pure Love.

“May nag-text po na may audition daw for Pure Love, pinag-isipan ko pa talaga kung pupunta ako at ng mapag-isipan ko na go, wala naman mawawala kung ita-try ko, so pagdating ko po ng audition, late po ako, ako po ‘yung pinaka-late sa kanila.

“Nu’ng unang ipinabasa sa akin na script, hindi po ‘yun ang karakter ni Isabel kundi ‘yung Kyla na kontrabida, so after no’n, ‘okay, thank you’, sabi po sa akin.

“Nang palabas na po ako, may humabol sa aking staff at sabi wait lang daw ako at may gustong ipagawa sa akin si Direk (Ronnie Velasco), so ‘pinagawa sa akin si Isabel, so hayun po, okay na kaya ang saya ko.”

Dahil sa kahusayan sa pagganap niya na napapanood ngayon sa Pure Love ay may kasunod agad siyang project, ang Dream Dad kasama si Zanjoe Marudo at isang batang babae.

“Hindi ko po alam kung puwede nang sabihin, sobra-sobrang saya ko po,”saad ng dalaga.

Tatlong karakter ang ginagampanan ni Yen sa Pure Love, bilang si Isabel, kapag sumasanib sa kanya si Diane (Alex Gonzaga) at bilang Danica (tunay niyang pangalan na kapatid ni Diane na hindi talaga Isabel).

“Ako po ‘yung nawawala niyang sister noong bata pa,” paliwanag ni Yen.

Ang Pure Love ang itinuturing niyang biggest role niya.

May tampo, galit o hinanakit ba siya sa direktor na nagmura sa kanya noon?

“Ay, wala po kasi alam kong isang bagay iyon para matuto at alam ko nga po, motivation iyon. Nagkasalubong po kami dati ni Direk (Erik), nagbatian naman po kami sa isa’t isa,” say ni Yen.

Sa tanong ni Bossing DMB kung aware siyang magaling siyang umarte: “Hindi po, nababasa ko lang po sa tweets at nakakataba ng puso dahil sa mga taong maganda ang feedback sa mga ginagawa mo. Alam ko sa sarili ko, nagtatrabaho ako nang mabuti para mabigyan ko ng justice ang role ko, kasi ang daming fans po ng Pure Love at bilang Isabel, ang laki po ng karakter niya, dito mo makikita ‘yung range ng acting mo. Kaya masaya po ako sa tulong ng workshop, at mga direktor dahil nai-deliver ko naman ng maganda ‘yung papel ko.”