Nahirang bilang Coach of the Year ng Asean Basketball League (ABL) ang Filipino coach ng Westports Malaysia Dragons na si Ariel Vanguardia.
Nakamit ni Vanguardia ang parangal dahil na rin sa paggabay sa kanyang koponan sa league-best 15-5 (panalo-talo) marka na naghatid sa kanila sa finals.
Dating head coach ng Jose Rizal University (JRU) sa NCAA, naging assistant coach na rin si Vanguardia sa PBA sa mga koponan ng Talk ‘N Text at Barako Bull.
“This award is special because I know my fellow ABL coaches were the ones who voted. This is for all of our coaching battles including those with the late coach Jason Rabedeaux. This is also for my very supportive family back home,” saad ni Vanguardia sa official release na ipinadala ng ABL.
Nagsimulang maging coach ng Dragons si Vanguardia noong 2011 at nakatakda naman niyang abutin ang pangarap na unang ABL title sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa best-of-three finals series laban sa Hi-Tech Bangkok City sa darating na Sabado.
Ito ang ikalawang pagkakataon na isang Filipino ang nahirang na Coach of the Year ng ABL kasunod sa pagkakahirang ni coach Leo Austria noong 2013 nang magkampeon ang San Miguel Beermen sa liga.