Kung sa ibang manlalaro, ang magmintis sa napakaraming attempts na kanilang binitawan sa isang laro ay nakapagpapababa ng kanilang kumpiyansa, para kay Globalport guard Terrence Romeo na pangkaraniwan na lamang ang ganitong eksena sa kanyang basketball career.

Nagtapos na mayroon lamang 2 puntos matapos magtala ng 0-for-7 sa 3 point arc at 0-for-2 sa free throw line, ayon kay Romeo ay hindi siya nababagabag sa mga ganitong pangyayari.

“One-of-12? Buti hindi naging 1-of-35?” pahayag ng dating UAAP MVP sa mga mamamahayag matapos ang kanilang panalo kontra sa Kia Sorento noong Martes ng gabi. “Dati kasi noong college ako may ganoon yata ako eh. Hindi na bago sa akin iyan.”

Ayon kay Romeo, hindi siya nababahala kahit pa nabawasan ang kanyang playing time, matapos na gamitin lamang sa loob ng 13 minuto ni coach Pido Jarencio sa naturang laro.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“Okay lang sa akin maski hindi ako masyadong nagamit basta manalo ‘yung team namin.”

Sa kanyang pagkawala sa loob ng court, nag-step naman ang iba niyang mga kakampi, partikular si Ronjay Buenafe na nagtala ng 19 puntos at ang No. 1 draft pick na si Stanley Pringle na tumapos na may 13 puntos, 8 rebounds at 6 assists.

Ayon kay Romeo, sisikapin niyang makabawi sa susunod nilang laro at ito ang kanyang pagtutuunan ng pansin.

“Iniisip ko ngayon kung paano ako makababawi. Gusto ko ibalik ‘yung kumpiyansa ko. Pero tini-take ko itong positive. Grabe ‘yung respeto ng team sa akin.”

Ayon pa kay Romeo, ang pinakamagandang paraan para makatulong sa kanyang koponan ay ang magpatuloy sa kanyang nakasanayang laro kaya’t pipilitin niyang maibalik ang kanyang shooting form.

“Kapag na-sho-shoot ko na ‘yung mga tira ko, bounce back na ‘yun,” ayon pa sa dating Far Eastertn University (FEU) standout. “Katulad kanina, libre naman hindi lang na-sho-shoot eh. Pero alam ko sa sarili ko kapag nakuha ko ‘yung rhythm ko, alam ko may kaya akong gawin.”