TIYAK na magiging memorable para kay Maxene Magalona ang kanyang unang pagsabak sa Maalaala Mo Kaya dahil gaganap siyang nurse-rapper. Si Maxene, tulad ng alam ng lahat, ay anak ng pumanaw na master rapper na si Francis Magalona.
Mapapanood si Maxene sa Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN ngayong Sabado (Nobyembre 8).
Gaganap siya bilang si Fatima Palma na sumikat kamakailan sa Internet dahil sa isang video na makikita siyang kumakanta at nagra-rap para sa kanyang pasyente sa ospital.
“Panoorin n’yo kung paano nagagawang pasayahin ni Fatima ang kanyang mga pasyente sa pamamagitan ng pag-awit at pag-rap sa kabila ng kanyang paghihirap at pagod sa araw-araw niyang trabaho sa ospital.” Sabi ni Maxene. “Para sa akin, isa siyang bayani kaya malaking karangalan na ako ang napili na gumanap sa kanya.”
Makakasama ni Maxene sa kanyang unang MMK episode sina Bembol Roco, Shamaine Buencamino, Kathleen Hermosa, Joseph Bitangcol, Jon Lucas, Francis Magundayao, Rochelle Barrameda, Ana Roces, Via Veloso, Gileth Sandico, at Rusty Salazar. Mula ito sa screenplay nina Arah Jell Badayos at Benjamin Benson at sa direksyon ni Raz de la Torre.