Ni JUN RAMIREZ

Nakatukoy ng sapat na dahilan si Ombudsman Conchita Carpio Morales para kasuhan ng graft and corruption si dating Cavite Gov. Erineo “Ayong” Maliksi dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga gamot na nagkakahalaga ng P2.5 milyon.

Inilabas ang indictment matapos na tanggihan ni Morales noong Oktubre 22 ang motion to reconsider ni Maliksi sa pinag-isang resolusyon ng anti-graft body na ipinalabas noong Hulyo 8.

Ayon sa joint resolution, Pebrero 2003 nang lumagda ang pamahalaang panglalawigan ng Cavite sa memorandum of agreement (MOA) sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa pagbili ng mga gamot sa ilalim ng P10-milyon grant, na ang unang bahagi na nagkakahalaga ng P2.5 milyon ay inilabas noong Pebrero 4, 2003.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Morales na walang nangyaring public bidding at ang mga dokumento, gaya ng purchase order, acceptance at inspection reports, ay nagpapakitang ginawa ang pagbili tatlong buwan bago nailabas ang unang bahagi ng pondo.

Sa paliwanag ni Maliksi sa emergency purchase ng pamahalaang panglalawigan, sinabi ni Ombudsman Morales na walang natukoy na “imminent danger to life and/or property that ought to have been prevented” kung nabili ang mga gamot sa panahon ng Barangay Health Workers (BHW) National Convention noong Nobyembre 2002.

“The distribution of ordinary medicines during the BHW national convention is not a project or activity that cannot be delayed without causing detriment to public service,” ani Morales.

Sinabi ni Morales na pinaboran ni Maliksi ang supplier, ang Allied Pharmaceutical Laboratories, Inc., nang hindi napatunayang pinakamura ang mga gamot nito kumpara sa ibang supplier.

Ang kaso ay isinampa ni noon ay Vice Governor Juan Victor Remulla, na kasalukuyang gobernador ng lalawigan.