NAGDIRIWANG ng ikasampung anibersaryo ngayong 2014 ang Cinema One Originals na “Intense” ang tema ngayong taon, at binubuo ng full-length digital movies, short films, restored Pinoy classics at bagong obra ng mga sikat na direktor.
Masasaksihan ang C1 Originals mula ika-9 hanggang 18 ng Nobyembre sa Fairview Terraces, Glorietta, Trinoma, at Greenhills Dolby Atmos.
“Talagang bigger, bolder at better ang festival ngayon,” sabi ni Cinema One Originals Channel Head Ronald Arguelles. “Kaya’t tinawag namin itong ‘intense’.”
Highlight ng festival ang pagpapalabas ng 10 digital films na napili mula sa napakaraming script submissions. Ang mga ito ay Di Sila Tatanda ni Malay Javier, Seoul Mates ni Nash Ang, Red ni Jay Abello, Violator ni Eduardo Dayao, Soap Opera ni Remton Slega Zuasola, Lorna ni Sigrid Andrea Bernardo, Bitukang Manok ni Alec Figuracion, Esprit de Corps ni Kanakan Balintagos, That Thing Called Tadhana ni Antoinette Jadaone, at The Babysitters ni Paolo O’Hara.
Pawang malalaking artista ang magsisiganap na kinabibilangan nina Jericho Rosales, Angelica Panganiban, JM de Guzman, Angel Aquino, Lovi Poe, Rocco Nacino, at marami pang iba.
Mga makabuluhang obra naman mula sa Asya ang tampok sa Best of Asian Cinema section, kabilang ang Winter Sleep, obra ni Nuri Blige Ceylan mula sa Turkey na nanalo ng Palme D’Or (grand prize) sa 2014 Cannes International Film Festival. Mayroon pang dalawang pelikula mula sa China, ang Black Coal, Thin Ice ni Diao Zinan, winner ng Golden Bear Award sa 2014 Berlin International Film Festival, at ang historical love story na Coming Home ni Zhang Yimou na nag-premiere sa Cannes International Film Festival 2014.
Mga bago at hindi pa nakikitang gawa ng indie filmmakers gaya nina Joel Ruiz, Adolf Alix Jr., Pam Miras at Eliza Esquivel ang kasali sa C1 Originals Short Film program.
Muling mapapanood sa Restored Classics section ang Hindi Nahahati ang Langit, ni Mike de Leon. Pinagbibidahan nina Christopher de Leon at Lorna Tolentino ang melodrama na ipinalabas noong 1985 batay sa nobela sa komiks ni Nerissa Cabral. Binigyang buhay muli ng ABS-CBN at Central Digital Lab ang nasabing pelikula.
Mahigit sa 20 pelikula ang tampok sa ika-10 edisyon ng C1 Originals.
“Nais naming patuloy na lumago ang industriya. Kaya sinisikap naming suportahan ang mga bagong filmmaker, at magbigay sa mga manonood ng world-class films. Mas mabusisi ang pagpili sa mga pelikula ngayong taon,” sabi pa ni Ronald Arguelles.
Para sa mga karagdagang impormasyon at update tungkol sa Cinema One Originals Festival, i-like ang Cinema One sa Facebook (www.facebook.com/Cinema1channel).