Lalarga ang aksiyon sa UAAP Season 77 men’s football tournament sa Nobyembre 29 kung saan target ng Far Eastern University (FEU) ang back-to-back title.
Ang opening day matches na nakatakda sa Ateneo’s Moro Lorenzo Football Field ay kapapalooban ng bakbakan ng nakaraang taong season’s runner-up na University of the Philippines (UP) at De La Salle sa ganap na alas-4:00 ng hapon at Season 75 champion Ateneo laban sa University of the East (UE) sa ganap na alas-6:00 ng gabi.
Sisimulan ng Tamaraws ang kanilang title-retention campaign kontra sa University of Santo Tomas (UST) sa alas-3:00 ng hapon sa Nobyembre 30 sa FEU-Diliman pitch, matapos ang sagupaan ng nagbabalik na Adamson University (AdU) sa men’s football matapos ang pagkawala ng ilang dekada laban sa National University (NU) sa ganap na ala-1:00 ng hapon.
Bagamat nawala na sa kanilang hanay si Dexter Chio na nakapagtapos na, nananatiling malakas pa rin ang FEU kasama ang reigning MVP na si Paolo Bugas at ace striker Jess Melliza.
Masasaksihan ang Falcons sa kanilang unang televised match sa ABS-CBN kontra sa Green Archers sa ganap na alas-3:00 ng hapon sa Disyembre 4 sa FEU-Diliman pitch.
Ang iba pang televised first round matches ay ang paghataw ng Bulldogs-Fighting Maroons duel sa Disyembre 11, Red Warriors-Growling Tigers sa Disyembre 18 at Tamaraws-Blue Eagles sa Enero 15.
Magbubukas naman ang women’s football hostilities sa Nobyembre 30 sa Moro Lorenzo Football Field kung saan ay magtatagpo ang Ateneo at UP sa ala-1:00 tanghali na susundan ng paghaharap ng De La Salle-UST sa alas-3:00 ng hapon.
Ang Lady Tamaraws, nakuha ang opening day bye, ang nananatiling pinakamabigat na paborito sa distaff side. Bubuksan ng FEU ang kanilang kampanya kontra sa UP sa Disyembre 7.