LEGAZPI CITY – Pinuri ni Department of Education (DepEd) Secretary Armin Luistro ang mabisang Disaster Risk Reduction (DRR) strategy na muling napatunayan sa paglikas ng panlalawigang pamahalaan nito sa 12,600 pamilya para ligtas sila sa bantang pagsabog ng Mayon Volcano.

Ayon kay Luistro, karapat-dapat ngang modelo ang Albay sa larangang ito para sa ibang local government units sa bansa. Ang 55,000 residenteng inilikas ay pinangangalagaan ngayon sa 743 silid-aralan na ginawang evacuation centers sa lalawigan.

Iniutos ni Albay Gov. Joey Salceda ang preemptive evacuation ng mga nakatira sa loob ng danger zones ng bulkan matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Level 3 ang alert ng Mayon. Layunin nito ang Zero Casualty o walang mamamatay na pinasimulan at patuloy na ipinatutupad ng Albay.

Sinabi ni Luistro sa mga reporters nang dumalaw siya kamakailan dito na ang Albay ang may pinakamabisa at organisadong DRR na umaayon sa standards for internal displacement hinggil sa health, food security and education.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ininspeksyon dito ni Luistro ang evacuation centers na puno ng mga evacuee sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan at Malilipot, at sa Tabaco City. Nagulat pa siya ng malamang nabuksan agad ang klase sa lahat ng 83 paaralan sa mga bayang nabanggit sampung araw lamang matapos ang evacuation, at nasa 94% ang attendance ng mga mag-aaaral.

Ang mga evacuation centers dito ay pinangangasiwaan ng Team Albay, ang premyadong grupo ng mga civilian health and social workers, police at militar na beterano na ng 11 major calamity sa buong bansa sa nakaraang apat na taon.

Binubuo ng limang clusters ang Team Albay na nangangasiwa sa buong evacuation process. Simula nang mangyari ang emergency, ang mga kasapi nito ay pilitang naglilingkod 24 oras sa isang araw para gawing normal ang buhay ng mga evacuee.