Kabuuang 77 pambansang atleta lamang ang ipadadala ng Pilipinas sa paglahok sa 4th Asian Beach Games sa Nobyembre 14 hanggang 23 sa Phuket, Thailand.

Ito ang napag-alaman sa Philippine Olympic Committee (POC) kung saan ay nakatakdang ganapin ang send-off party ng mga atleta sa Nobyembre 7 kasabay sa itinakdang pagkakaloob ng insentibo sa pambansang atleta na nagwagi ng medalya sa Incheon Asian Games at Para Games.

Pangungunahan ni actor-sportsman-host Richard Gomez, siya ring Chef de Mission ng pambansang delegasyon, ang nasabing mga atleta na hangad masungkit ang unang gintong medalya sa kada dalawang taong torneo.

Sasagupa naman ang Pilipinas sa beach basketball (3-on-3), extreme sports (inline skate, skateboard, BMX freestyle at sport climbing), flag football, handball, jetski, muaythai, paragliding, petanque, sailing, squash, duathlon, triathlon, volleyball, waterski, windsurfing, wrestling at jiu-jitsu.

Internasyonal

Mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika, binalaan ng PH Ambassador

Nakataya sa torneo ang kabuuang 169 ginto sa paglalabanang 26 na sports.

Hangad ng delegasyon, na kinabibilangan nina windsurfer Geylord Coveta na siyang naging flag-bearer sa 17th Incheon Asian Games, wrestler Jason Balabal at dating judo star John Baylon na sasabak sa jiu-jitsu, na tuluyang matighaw ang pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya sa torneo.

Matatandaan na noong 2012 edisyon ay nakuhang makapag-uwi ng 2 pilak at 2 tanso ang bansa sa Haiyang, China.

Nabokya naman ang bansa noong 2010 edisyon na ginanap sa Muscat, Oman.

Ang naging produktibong kampanya ng Pilipinas ay noong 2008 Asian Beach Games na isinagawa sa Bali, Indonesia kung saan ay tumapos ang bansa sa ika-21 sa pangkalahatan sa naiuwing 2 pilak at 8 tanso.

Ang nagwagi ng pilak ay sina Luke Richard Thomas Landrigan sa surfing (Longboard Men) at ang men’s basketball team sa beach basketball.

Ang kumubra ng tanso ay sina Emraida Asmad sa beach pencak silat (Tanding Class A (women), ang sepak takraw women team sa beach sepak takraw (Regu Women), at ang dragon boat racing men team na nagwagi sa 1000m men, 500m men at 250m men.

Ang iba pang namayani ay sina Carlito Nogalo sa surfing (Shortboard Men), Marianita Alcala sa surfing (Shortboard Women) at Philippine surfing team sa team challenge.