Mga laro ngayon: (Ynares Sports Arena)
12 p.m. Cagayan Valley vs. Bread Story-Lyceum
2 p.m. Café France vs. Racal Motor Sales
4 p.m. Tanduay Light vs. Hapee
Pagsalo sa liderato ang tatangkain ngayon ng Cagayan Valley, Café France, Tanduay Light at Hapee sa pagsabak nila sa magkakahiwalay na laro sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Magkakabuhol sa ngayon ang apat na koponan sa ikalawang puwesto na taglay ang barahang 1-0 sa likod ng Jumbo Plastic Linoleum Giants na mayroong dalawang panalo.
Unang hahataw ang Rising Suns kontra sa baguhang Bread Story-Lyceum sa ganap na alas-12:00 ng tanghali kasunod ang Bakers na haharapin naman ang isa pang baguhang Racal Motor Sales sa alas-2:00 ng hapon bago ang tampok na laban kung saan magtutuos ang Rum Masters at ang Fresh Fighters sa alas-4:00 ng hapon.
Sa unang dalawang laban, pinapaboran dito upang manaig ang dalawang beteranong koponan na Rising Suns at Bakers.
Ngunit hindi naman puwedeng basta na lamang balewalain nila ang Bread Story at ang Racal Motor Sales dahil sa may kapasidad din ang mga ito na umiskor ng upset, partikular ang tropa ni coach Bonnie Tan na nakuha pang takutin ang nakatunggaling Jumbo Plastic noong nakaraang Oktubre 30.
Gaya nang nauna nilang laban, tiyak na paka-aabangan ng fans ang tapatan ng Tanduay at Hapee matapos ang mga naging kontrobersiyang pinagdaanan ng mga ito, partikular si Rum Masters coach Lawrence Chongson na pinatawan ni PBA Commissioner Chito Salud ng pinakamataas na multang P150,000 hinggil sa mga komentong nailathala nito sa website at pahayagan tungkol sa diumano’y hindi patas na trato ng liga sa mga koponang kalahok dito kamakailan.
Partikular na tinukoy ni Chongson ang koponan ng Hapee kung saan ay napunta ang kanilang draft pick na si Chris Newsome na para umanong minana ang dating estado ng pinalitan nitong koponan na NLEX na nagtataglay ng star-studded line-up kaya naman parang second place na lamang aniya ang nalabing paglalabanan ng iba pang koponan sa liga.
“Given the effect of the effect of the statements made publicly by coach Chongson, this office finds that, first, he issued statements that I find to be critical and prejudicial to the league, second, he issued statements that are disrespectful to the other member clubs. And finally, he issued statements and made allegations that are clearly careless and unsubstantiated,” paliwanag ni Salud.
“Hindi ko alam, pero para namang biro ng tadhana talagang ‘yung unang dalawang games namin against doon sa mga team na iyon, kung saan nagkaroon kami ng problema,” pahayag ni Chongson na agad din namang humingi ng paumanhin kay Salud hinggil sa mga pangyayari.
Ngunit hindi gaya ng nauna nilang laban sa MJM Builders-FEU, hindi makauupo si Chongson sa laban nila kontra Hapee dahil bukod sa P150,000 multa ay pinatawan din siya ni Salud ng one-game suspension.
Maiiwan sa kanyang mga assistant coach na sina Estong Ballesteros at Jack Santiago ang mabigat na tungkulin upang gabayan ang koponan kontra sa Fresh Fighters.