Hinimok ng National Labor Union (NLU) ang Commission on Elections (Comelec) na mag-imbita ng mga bidder para sa isasagawang refurbishing o makinang posibleng ipalit sa precinct count optical scan (PCOS) machine na gagamitin sa 2016 presidential elections.

Ayon kay Dave Diwa ng NLU, marami namang iba pang kumpanya na may sapat na kakayahang magrefurbish sa mga poll machine kaya hindi dapat na limitahan lamang ito ng Comelec sa Smartmatic, na siyang orihinal na supplier ng PCOS.

Iginiit pa ni Diwa na ang Smartmatic ay ang nagbenta lamang ng mga PCOS machine, na ginawa ng Taiwanese company na Jarltech.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa panukala ni Diwa, sinabi pa nito na dapat na imbitahan ng Comelec ang mga potential bidder sa warehouse, magsagawa ng inspeksiyon sa mga makina at magprisinta ng Terms of Reference (TOR) hinggil sa specifications, bago magdaos ng bidding para sa proyekto.

Hindi naman iniaalis ni Diwa ang posibilidad na ang Smartmatic pa rin ang makakuha ng kontrata ngunit ito’y kung mabibigo lamang aniya ang bidding.

Matibay pa rin naman ang paninindigan ni Diwa na dapat na ilagay sa blacklist ng Comelec ang Smartmatic sa paglahok sa mga bidding para sa national elections sa taong 2016, partikular na sa kontrata para sa pagdaragdag ng 23,000 voting machines.

Nauna rito, hindi nagustuhan ng NLU ang pakikipagnegosasyon ng Comelec sa Smartmatic bago pa man ang bidding para sa refurbishing ng mga makina dahil mistulang inilalagay umano ng poll body sa disadvantage ang iba pang potential bidders.