rj agustin

ISA isa sa pinakabatang movie producers si RJ Agustin. At 21, ipinagmamalaki niya ang CinemalayaX entry na 1st Ko si 3rd na pinagbibidahan nina Nova Villa, Freddie Webb at Dante Rivero na umani ng magagandang feedbacks mula sa mga kritiko at manonood nang ipalabas last August.

Kasalukuyang nasa Hawaii sa Amerika ngayon ang singer/actor/producer para sa gaganaping 34th Hawaii International Film Festival (HIFF) dahil in competition doon ang 1st Ko si 3rd. Masaya si RJ na kabilang ang kanilang pelikula sa naturang filmfest.

“Proud ako,” sambit ni RJ nang makausap namin bago lumipad patungong Hawaii. “Nakatutuwa. Alam mo, hindi pa namin pinag-uusapan ‘yung return of investment kumbaga, kung ano ‘yung nangyayari sa movie, ini-enjoy muna namin.

National

Manuel, naalarma sa epekto ng paglaganap ng Pornhub sa kabataan

“Like official entry kami sa 34th Hawaii International Filmfest, ‘tapos napili rin kami sa 2nd QCinema International Film Festival at magkakaroon kami ng regular theatrical run exclusively sa Ayala Cinemas on November 12. Hangga’t mainit pa, kung hanggan saan lang kami puwede, sige lang nang sige. Ang importante sa akin, eh, ‘yung na-appreciate ng mga tao ang aming pelikula,” Dagdag na kuwento pa niya.

Hindi baguhan sa mundo ng showbiz si RJ. Maaga siyang na-expose sa showbiz as his father, Arturo San Agustin is also a film director. Ang nanay niya, si Marie Blanca, ay dati ring artista.

“Dati nang gumagawa ng pelikula ang papa ko ‘tapos ang mommy ko naman eh, dating artista rin. Gamit niya ang screen name na Marie Blanca, ka-batch niya sina Lani Mercado. Siya si Zuma (1985), original na nanay ni Galema,” pagtatapat ng binata.

Gulat nga raw sa kanya sina Direk Boy Vinarao at Direk William Mayo nang magkita-kita sila sa press launch ng QCinema kamakailan.

“Nakatutuwa dahil ‘yung mga kasali sa pelikula, seasoned na, ka-contemporary pa ng daddy ko ‘yung makakalaban namin. Sina Direk William, Direk Boy, so nu’ng magkita-kita kami sa presscon ng QCinema, tuwang-tuwa sila dahil nakita nila ako. Kumbaga, naabutan ko pa sila.”

May blessing ng kanyang mga magulang sa pagpasok niya sa showbiz.

“Nu’ng nag-aaral ako, alam ko gusto ko nang mag-artista ‘kaso sabi ng tatay ko, ‘Anak, tapusin mo muna pag-aaral mo at siguraduhin mong handa ka sa papasukin mong industriya.’ Alam kasi ng daddy ko na magulo, unstable pero masayang mundo ng showbiz.”

RJ finished his business management course sa Holy Angel University sa Angeles City, Pampanga. Ngayong graduate na siya, handa na siya sa anumang pagsubok na tatahakin niya sa showbiz.

Aside from being an actor at producer, kumakanta rin siya. Ang first single niyang Ikaw Ang Kailangan Ko, composed by Myrus Apacible ay napapakinggan na sa mga radyo at puwede na ring mabili sa iTunes. RJ is hoping na masusundan agad ng bagong project ang 1st Ko si 3rd.