Ni REMY UMEREZ
ASAHAN na ang pagsuporta ng music legend na si Pilita Corrales sa foundations tulad ng MARE na pinamumunuan ni Dra. Loi Ejercito Estrada.
Sa November 13 ay balik concert si Pilita na pinamagatang A Million Thanks To You na gaganapin sa Fiesta Pavillion ng Manila Hotel.
Sa unang bahagi, itatampok sina Jackielou Blanco at Wing Duo para magbalik-tanaw sa mga awitin noong dekada 50. Mahaba ang nilakbay ng samahang Pilita at Wing Duo mula sa pagtatanghal sa Manila Grand Opera House at sa paglabas sa telebisyon via An Evening With Pilita.
Ang ikalawang bahagi ay inilaan sa pakikipag-duet ni Pilita sa ilang sikat na singers ng bansa -- kabilang sina Basil Valdez (Kapantay ay Langit), Martin Nievera (Ikaw Lang ang Mamahalin), Chad Borja (Usahay) at Sarah Geronimo (Forever’s Not Enough) -- na maririnig sa bagong lunsad na Duets album.
Hindi kami magtataka kung sa finale ng show ay biglang umakyat si Manila Mayor Joseph Estrada at makipag-duet kay Pilita ng kanyang paboritong awitin, ang Kahit Na Magtiis.
Ang ilan sa mga proyekto ng MARE Foundation, Inc. ay serbisyong panggamutan sa mahihirap, libreng gamot, serbisyong medikal, at suportang pangkabuhayan. Layunin din ng MARE na makapagpatayo ng dialysis center para sa mahihirap.