Tuwing lumulutang ang mga ulat tungkol sa pamamaslang ng mga miyembro ng media, at ng iba pang krimen, kagyat ang reaksiyon ng administrasyon: Tutugisin ang mga salarin, dadakipin at isasakdal. Kaakibat ito ng pagpapabilis sa pag-usad ng katarungan laban sa mga kriminal.

Minarapat kong ulitin ang pahayag ng administrasyon kaugnay ng paggunita sa International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists: Ayon sa Pangulo, patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng karahasan at usigin ang lahat ng gumamit ng dahas upang pagtakpan ang katotohanan.”

Sa bahaging ito ay ipunahiwatig ng isa sa mga tagapagsalita ng Malacañang na malaki ang ipinagbago ngayon ng kalayaan sa pamamahayag, lalo na kung ihahambing sa nakalipas na administrasyon. Lumipas na ang panahon nang ang press freedom ay sinikil ng gobyerno.

Dahil dito, idinagdag ng kasalukuyang pangasiwaan na “makaaasa ang sambayanan na hindi titigil ang ating pamahalaan upang itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag at patuloy nating kinikilala ang kanilang mahalagang ambag sa pagpapatatag ng demokrasya sa ating bansa.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Totoo na nang nakalipas na mga araw, naging aktibo ang pamahalaan sa pagtugis sa mga kriminal na idinawit sa media killing. Nakalulungkot nga lamang at masyadong usad-pagong ang paggulong ng katarungan laban sa mga salarin.

Karugtong na pahayag: “Kaisa po ng administrasyong Aquino ang ating mga kababayan sa pagnanais na mabigyan ng lubos na katarungan ang biktima ng krimen... gayunman, nandoon po ang maalab na paghahangad ng ating pamahalaan na mapabilis ang pag-usad ng mga paglilitis...”

Walang hindi masisiyahan sa nabanggit na pangako at mga pagsisikap ng administrasyon. Kabilang ako, bilang isang masugid na tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag, sa mga labis na masisiyahan kung ang naturang mga pangako ay magkakaroon ng tunay na katuparan.