Bilang tugon sa pangyayaring kinasangkutan ng isang abogada at ng mga bodyguard ni Bulacan Mayor Patrick Meneses, hinikayat ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang mamamayan na maging alerto at isuplong sa kagawaran ang tungkol sa paggamit ng “wang-wang” ng ilang kawani ng lokal na pamahalaan.

“Mahigpit na ipinagbabawal ang ‘utak wang-wang’ sa Tuwid na Daan,” giit ni Roxas sa kanyang liham sa isang pahayagan.

Nagkataong asawa ng publisher ng isang pahayagan ang abogadang lulan ng Sports Utility Vehicle (SUV) na minamaneho ng kanilang anak, na umano’y pinagmumura at tinutukan ng baril ng mga bodyguard na kasama sa convoy ng sasakyang nakarehistro sa ina ni Meneses.

“Nakatutok po ang DILG dito at hindi maaaring walang managot sa pangyayari,” anang kalihim.

National

Manuel, naalarma sa epekto ng paglaganap ng Pornhub sa kabataan

Sinabi rin ni Roxas na habang sinisiyasat ng mga awtoridad ang nangyari ay dapat na maging alerto ang mamamayan sa ganitong uri ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilang pulitiko.

“Alam nating hindi ito ang unang beses, at hindi rin ito ang magiging huli. Kaya kapag mayroon po tayong nasaksihang ganitong mga pangyayari, isumbong po natin sa DILG,” himok ni Roxas.

Makipag-ugnayan sa DILG sa pagte-text o pagtawag sa 0917-6276927 upang mag-ulat ng mga krimen, mga iregularidad sa mga proyekto at iba pang reklamo ng mga mamamayan sa kanilang mga lugar.