Claudine Barretto

BAKIT ang bilis nakabalik nina Marvin Agustin at Jolina Magdangal sa ABS-CBN, ito ang nagkakaisang tanong ng lahat sa pocket presscon ng Flordeliza na pagbibidahan ng hottest love team noong ‘90’s.

Si Direk Wenn Deramas, direktor ng Flordeliza, ang sumagot nito: “Totoo ‘yun, kasi wala silang ginawang masama.”

Nagkatawanan ang lahat sa ‘tila may kalalimang ibig sabihin si Direk Wenn, pero ang paliwanag niya, “Kasi maayos ang paalam, malinis, so ang management ng ABS, walang bad blood sa kanilang dalawa, walang kahit na anong ganu’n. Hindi sila nanunog ng tulay, so ibig sabihin ‘yung tulay buo, hayan sila, tawid nang tawid.”

National

Manuel, naalarma sa epekto ng paglaganap ng Pornhub sa kabataan

Kaya pagkatapos ng Q and A, tinanong namin si Direk Wenn kung may pag-asa pa bang makabalik sa ABS-CBN si Claudine Barretto na ilang beses nang napabalitang babalik at gusto nitong bumalik pero hindi naman nagkakatotoo at sa tuwing nagtatanong kami sa mga bossing ng network kung babalik na nga ay puro iling ang sagot sa amin.

Ang paliwanag ni Direk Wenn, “Nasa sa plano nila (Claudine), kasi may mga taong naapektuhan, natapakan, na-offend. So kailangang ayusin lang muna. Kapag naayos ‘yun ako mismo ang iisip ng labindalawang proyekto para kay Claudine Barretto na pelikula at TV, dahil si Claudine lang ang walang flop na pelikula sa Star Cinema! At si Claudine ang walang mababang ratings (teleserye), ultimo ‘yung kanyang horror na Maligno, kahit na ‘pag nagluluka-lukahan ‘yan, mataas ang ratings ng Claudine Barretto soap.

“Even her last (movie), dati kasi hundred millions (kita) ang uso, kunyari ‘yung kanya na hindi umabot ng hundred millions, hindi pa rin consider na flop, sobrang laki pa rin ‘yun kumpara mo sa kita ng ibang artista.”

Willing siyang mamagitan para kina Mrs. Inday Barretto at Claudine sa ABS-CBN management upang makapag-usap ang magkabilang panig.

Sa huling usapan nina Mrs. Barretto at Direk Wenn ay, “Nasabi ko sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin para maayos ang gusot at ako mismo ang magbi-bridge.”

Ano ang sagot ng mag-ina?

“Willing daw, pero kailangang paghandaan, hindi ura-urada. Sila Jolina (at Marvin) nga, 12 years, o, pero ‘kita nyo, nandidito pa rin, so walang imposible. Alam ng pamilya nila, alam ni Mommy Inday, alam ni Claudine na ako ay kaibigan niya noon, direktor niya noon at kaibigan niya hanggang ngayon at sana maging direktor niya ulit, bukas.

“Mahal ko ‘yun, walang makakakuwestiyon. Ako lang yata ang taong puwedeng bumatok sa kanya, walang makakapagreklamo. Sa pinagsamahan namin ni Claudine, she was only sixteen nang magsimula kaming magtrabaho, lahat ng events sa buhay niya, nandoon ako, even debut. Kaya nga sinasabi ni Mommy Inday, ‘ikaw lang ang puwedeng kumausap, ikaw lang.’ Kaya si Mommy Inday, ako ang nilalapitan kasi nakikinig sa akin si Clau.

“Puwede kong sabihin lahat kay Claudine nang hindi ako mangingimi ng kahit na ano, bukod sa wala rin naman akong takot kahit kanino, pero ganu’n ko siya kamahal, kung hindi ko siya mahal, wala akong pakialam. Mahal ko ‘yun, sobra kaya nabubuwisit ako sa mga nangyayari, nagagalit ako sa mga nangyayari kasi kontrolado nila, if only.”

Anong mga nangyayari na ikinabubuwisit at ikinagagalit ni Direk Wenn?

“’Yung mga nangyayari, hindi ba kayo aware? ‘Yung mga away, imbes na artista, umarte ka lang, ‘yun lang ang dapat, eh. Kasi napakaganda ng talent, napakaganda ng mukha. Kesa sa ibinibigay mo at pinagtitiyagaan mo sa artistang ito, eh, itutumba ni Claudine Barretto ‘yan, eh!” sagot ni Direk Wenn sabay buntong-hininga.

Kung makakabalik ng ABS-CBN si Claudine ay may project, serye at pelikula na siyang nakahanda na gagawin nila.