Ni SHEEN CRISOLOGO
PANTABANGAN, Nueva Ecija – Pinatalsik sa kanyang puwesto si Pantabangan Mayor Lucio Uera.
Ito ay makaraang ibasura ng Office of the Ombudsman ang motion for reconsideration na inihain ni Uera makaraan siyang mapatunayang guilty sa grave misconduct sa ilegal na pagsuspinde at pagsibak sa trabaho sa mahigit 40 permanenteng kawani ng munisipyo noong 2005.
Inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, sa bisa ng kanyang Order na may petsang Oktubre 20, 2014, ang rekomendasyon ng graft investigator na si Joan Lou Gamboa na nagbabasura sa motion for reconsideration ng alkalde sa joint resolution noong Hunyo 10, 2013.
Batay sa resolusyon, napatunayang nagkasala si Uera sa dalawang bilang ng grave misconduct, grave abuse of authority at oppression, alinsunod sa Section 19, na may kaugnayan sa Section 25 ng RA 6770 (Ombudsman Act of 1989).
Ang paglabag sa RA 6770 ay may katapat na parusang pagsibak sa tungkulin, pagkansela ng eligibility, pagkawala ng mga retirement benefit at habambuhay na diskuwalipikasyon sa pagtatrabaho sa gobyerno.
Ang kasong administratibo ay isinampa ni Antonio Capia at ng 43 pang kawani noong Marso 2005 matapos akusahan si Uera ng walang pakundangang pagsuspinde at pagsibak sa kanilang serbisyo.
Sa reklamo, sinabi ng mga kawani na umaga ng Enero 3, 2005 nang pagbawalan silang pumasok sa munisipyo ng mga armadong tauhan ni Uera at kinumpiska ang kanilang mga daily time record (DTR) at mga personal na gamit kaya nagtungo sila sa Sangguniang Bayan building na roon nag-oopisina si Romeo Borja Sr. makaraan itong maiproklamang nanalo sa electoral protest laban kay Uera.
Matapos makabalik sa puwesto si Uera ay sinuspinde nito ng 60 araw ang mga kawani at kinasuhan sa suspetsang kumakampi sila kay Borja.