Umapela ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Kongreso at executive department na pag-aralan kung kinakailangan nang ideklara bilang mga namatay ang mga nawawalang biktima ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA), may isang taon na ang nakalilipas mula nang manalasa ang super typhoon Yolanda ngunit hindi pa rin natatagpuan ang mga nawawalang biktima.

Paliwanag ni Pabillo, kinakailangang magkaroon ng deklarasyon ang gobyerno na namatay na ang mga nawawalang biktima para makuha na rin ng kanilang mga pamilya ang mga benepisyo na kanilang dapat na matanggap.

“Kaya nga sana hihingi tayo sa Congress na pababaan naman kasi baka abutin ng apat na taon bago malaman na missing…kung talagang wala na sana ideklara na nila para makakuha ng benefits yung mga namatayan,” ani Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Samantala, sinabi ng Social Security System (SSS) na maaari nang kumuha ng benepisyo ang mga kaanak ng mga nawawala dulot ng bagyong Yolanda.

Kailangan lamang nilang magsumite ng mga papeles na mula sa barangay at sa Department of Interior and Local Government.

Nanawagan din si Eric Manalang, pangulo ng Prolife Philippines, na maglabas ang pamahalaan ng updated report kung ilan talaga ang namatay sa trahedya.

Aniya, ito lamang ang tanging magagawa ng gobyerno para maibalik ang dignidad ng mga biktima maging sa kanilang mga pamilya.

Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, bukod sa higit 6,000 may 1,785 pa rin ang mga biktima ng bagyo na nawawala, isang taon matapos ang kalamidad.