Ito ang pangatlong installment ng ating paksa tungkol sa iyong tungkulin kapag may kalamidad o krisis: May pakinabang ka ba o pabigat?
Narito pa ang ilang tips upang makaresponde ka sa sandali ng krisis:
Manatiling kalmado. – Huwag kang hysterical. Maaari ngang taglay mo ang lahat ng karunungan sa pagresponde ngunit kung ikaw pa ang unang sumisigaw sa takot sa sandali ng kalamidad, hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Maaari ring masyado kang excited na tumulong kung kaya nakakaligtaan mo ang pinakamahahalaang elemento ng iyong pagresponde (halimbawa: naiwan mo ang iyong first-aid kit). Nakararanas ang mga tao ng takot, kawalan ng kumpiyansa sa sarili, pagot, at pagkabalisa kung kaya sila nagpa-panic, at napaparalisa ang pag-iisip sa sandali ng krisis. Ang iyong unang hakbang kapag sumapit na ang isang emergency ay ang manatiling kalmado. Kapag kalmado ka, makaiisip ka nang mabuti, magagamit mo ang iyong galing at abilidad na tumulong sa mga naapektuhan ng krisis. Kapag matindi ang situwasyon na parang gusto mo nang sumigaw sa takot, huminga ka nang malalim at mabagal mong ibuga; mag-concentrate ka muna sa iyong paghinga ng mga ilang sandali. Sa mga sandaling iyon ka makaiisip ng susunod mong gagawin at mapatutupad mo ang angkop na aksiyon sa situwasyon.
Pangunahan mo ang situwasyon. – Sa halip na mag-react ka sa krisis, isipin kung ano ang susunod na hakbang bago mo pa iyon gawin. Halimbawa, tinutulungan mo ang isang matandang naipit sa sasakyan dahil sa banggaan. Habang pinaiinom mo siya ng tubig at inaalalayan ang kanyang naipit na bahagi ng katawan, nag-uutos ka sa iba na tumawag ng paramedics o ng maaaring makatulong sa situwasyong kinasasadlakan ng matanda.
Sapagkat pinangungunahan mo ang mahigpit na situwasyon, madali mong maiisip kung ano ang susunod na kakailanganin; makapagdudulot ka ng mas epektibong solusyon gamit ang karagdagang oras na ibinunsod ng pag-iisip nang maaga.