Napagtibay ng Office of the Ombudsman na mayroong probable cause upang sampahan ng kasong graft ang dalawang opisyal ng Local Water Utilities Administration (LWUA) kaugnay umano’y maanomalyang konstruksiyon ng Guimba Water Supply Project (GWSP) sa Nueva Ecija.

Kabilang sa mga kinasuhan ng Ombudsman sina dating LWUA Administrator Lorenzo Jamora at Acting Deputy Administrator Wilfredo Feleo; at Renato Legaspi, president at chairman ng Green Asia Construction and Development Corporation.

Si Jamora at Feleo ay sinibak rin sa serbisyo matapos mapatunayang guilty ng gross neglect of duty at grave misconduct hinggil sa isyu.

Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na pumasok sa isang kontrata ang LWUA para sa consultancy service sa pagpapatupad ng Small Towns Water Supply Sector Project noong 1998. Noong Mayo 2001, pumasok din ang Guimba Water District (GWD) sa P60.3 milyong financial assistance contract sa LWUA para sa disenyo at konstruksiyon ng GWSP na nagkakahalaga ng P30 milyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Subalit noong Oktubre 2003, nagpalabas ang GWD ng certificate of project completion subalit may isinamang punch list kung saan nakasaad na may babaguhin ito sa konstruksiyon.

Inaprubahan nina Feleo at Jamora noong Hulyo 12, 2004 ang pagpoproseso sa final billing at tseke na nagkakahalaga ng P1.1 milyon bilang kabayaran sa Green Asia.

Sinabi ni Morales na ang P1.1 milyong ibinayad sa Green Asia ay “unjustified” at “unauthorized” dahil sa kawalan ng certificate of final acceptance na isang requirement sa Memorandum Circular 92-389 ng Commission on Audit. - Jun Ramirez