Tuluyan nang pinalitan ng chess bilang isa sa “priority sports” ang weightlifting.

Ito ang napag-alaman kay National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director at Grandmaster Jayson Gonzales sa pagdalo sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate matapos kumpirmahin ang desisyon ng Philippine Sports Commission (PSC).

“We just receive the PSC Board Resolution today informing us that chess will be one of the priority sports of the agency in the next fiscal year. Papalitan namin sa listahan ang weightlifting,” sinabi ni Gonzales.

Isa ang chess sa madalas magbigay ng medalya sa mga internasyonal na torneo bagamat hindi ito kasali sa gaganaping 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5-16.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inihayag din ni Gonzales na nakatakdang dumayo sa bansa ang ilan sa pinakamagagaling na chess players (kalalakihan at kababaihan) sa mundo sa itatakdang twin international tournament ng NCFP sa Disyembre.

Ang kambal na torneo ay ang Philippine Cup International Chess Championships sa Disyembre 5 hanggang 13 habang kasunod ang Puregold/PSC Chairman’s Cup International Chess Challenge sa Disyembre 14 hanggang 21.

Sinabi ni Gonzales na maaring sumali ang lahat ng chess players, partikular ang mga Pilipinong nagnanais na makakuha ng grandmasters norm at maging ang mga grandmaster ng bansa na US based na sina Wesley So, Mark Paragua, Oliver Barbasa at Julio Catalino Sadorra.

“We want our players not just to gain their GM norm but also to be as sharp and in top condition kaya gusto ng NCFP na makalaban sila sa internasyonal na torneo kung saan ay makakalaban nila ang iba’t ibang chess players sa ibang bansa at hindi lamang puro mga local ang kanilang nakakaharap,” sinabi ni Gonzales.

Ang kambal na torneo ay bilang kapalit sa pagkawala ng larong chess sa ika-28 edisyon ng Southeast Asian Games (SEA) Games.