Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

4:15 p.m. Meralco vs. NLEX

7 p.m. San Miguel Beer vs. Alaska

Pag-aagawan ng San Miguel Beer at Alaska ang solong pamumuno sa kanilang pagtatapat ngayon sa pagpapatuloy ng PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

National

Davao City, inungusan Maynila; pangwalo sa 'worst traffic city' sa buong mundo

Sa ganap na alas-7:00 ng gabi ipoposte ng magkabilang panig ang kanilang ikaapat na sunod na panalo kung saan ay magkasalo sa kasalukuyang liderato na hawak ang malinis na 3-0 baraha.

Una rito, magtutuos naman sa pambungad na laro ang Meralco at ang baguhang NLEX sa ganap na alas-4:15 ng hapon.

Huling tinalo ng Beermen, para sa kanilang ikatlong sunod na tagumpay, ang Barako Bull noong nakaraang Linggo, 103-89, habang nilampaso naman ng Aces ang Bolts noong nakaraang Oktubre 31, 105-64.

Determinadong maibalik sa finals o kung hindi man ay mahablot ang kampeonato, nangako ang Beermen, sa pangunguna ng kanilang team skipper na si Arwind Santos, na magiging consistent sa kanilang laro upang hindi maging mailap ang tagumpay.

“Sana sa pagkakataong ito ay maipakita na natin ‘yung hinahanap na laro sa amin ng fans at supporters namin lalo na ng management, bilang sukli sa lahat ng ginagawa nila para sa amin,” pahayag ni Santos.

Sa kabilang dako, sisikapin naman ng Aces, ayon sa kanilang head coach na si Alex Compton, na panatilihin ang nasimulan nilang magandang performance na dulot ng kanilang solidong teamwork.

Sa unang laban, tiyak naman na maghahabol para bumawi ang Bolts sa napakalaking pagkatalong nalasap sa kamay ng Aces sa nakaraan nilang laban. Ngunit isang malaking hamon na naman ang kanilang haharapin sa pagsagupa sa Road Warriors na napakataas ngayon ng morale kasunod ng kanilang naitalang 91-81 panalo kontra sa pinakapopular na Barangay Ginebra San Miguel noong nakaraang Oktubre 29.

Gaya ng kanilang ginawa kontra sa Kings, tatangkain ng Road Warriors ni coach Boyet Fernandez na muling makapagpakita ng lakas sa kanilang depensa sa pagsalang nila laban sa Bolts.