Nagdurusa ang Pilipinas ng malaking pagkalugi sa produksiyon ng bigas sa tuwing babayuhin ng bagyo ang mga palayan ng bansa. Maraming beses sa nakalipas na kinailangang bawasan ang inaasahang ani ng palay dahil sa masamang lagay ng panahon, lalo na sa Northern Luzon sa panahon ngayon ng taon.
Isang rebolusyon sa rice technology ang inanunsiyo ng International Rice Research Institute (IRR I) na maaaring gawing bahagi na lang ng kasaysayan ang pagkalugi sa bigas dahil sa baha. Sa idinaos na 4th International Rice Congress sa Bangkok, Thailand, inanunsiyo ni Dr. Robert Zeigler, director general ng IRR I, ang tinatawag niyang “the second Green Revolution”.
Aniya, nagsimula iyon nang magtanim ang isang Indian na magsasaka ng isang bagong uri ng palay na nagtataglay ng isang gene – ang Submergence1 – na may kakayahang mabuhay sa baha. Lumubog ang palayan niya ng 17 araw ngunit nakapag-ani siya ng 4.5 tonedala kada ektarya, ang global average. Mula noon, ani Dr. Zeigler, kumalat na ang Submergence1 varieties ng palay sa eastern India at iba pang rehiyon kung saan madalas bahain.
Nagsimula ang unang Green Revolution noong 1963 nang mag-develop ang IRR I ng IR8 rice variety na nagparami sa produksiyon ng bigas mula sa 1.5 tonelada kada ektarya sa apat na tonelada kada ektarya. Itinatag ang IRR I ng pamahalaan sa Los Baños, Laguna noong 1962, sa ayuda ng Ford at Rockefeller Foundations. Dahil sa IR8, naging rice exporter ang Pilipinas sa buong mundo, na naglitas ang milyun-milyon sa pagkagutom.
Noong 1971, maraming iba pang rice research center ang itinatag sa buong mundo na may suporta ng World Bank. Ang tuluy-tuloy na pananaliksik sa mga IRR I center ay nagresulta na ngayon ng bagong rice variety na nabubuhay sa pinakamatinding baha. Sa sumunod na 15 taon pa, tinataya ni Dr. Zeigler, mas maraming matibay na C4 at nitrogen-fixing rice variety ang ide-develop na magpaparami ng ani ng palay para sa pangatlong Green Revolution.
Ang bagong Submergence1 rice variety ay makatutulong sa Pilipinas na matamo ang rice self-sufficiency. Sa pagsisimula ng administrasyong Aquino, itinakda ni Agriculture Secretary Proceso Alcala ang goal na 100% rice self-sufficiency. Naabot na nito ang 96% level, aniya, at panahon, bagyo, at iba pang hindi mabatid na sirkumstansiya lamang kung bakit hindi marating ng bansa ang goal.
Ang magandang balita mula sa IRR I - na kayang mabuhay ng bagong rice variety sa baha sa ating bansa – ay maisusulong nito sa wakas ang goal na rice self-sufficiency.