TACLOBAN City, Leyte— Dahil paubos na nang paubos ang relief goods para sa mga biktima ng super typhoon “Yolanda” sa siyudad na ito, halos mamalimos na ang mga naapektuhang residente upang maitawid lamang ang gutom.

Simula Agosto ng kasalukuyang taon, wala nang naipapamahaging pagkain ang City Social Welfare Development Office (CSWDO) sa mga Yolanda victim ng 138 barangay ng Tacloban.

“Pero madami pa kaming Aquatabs, kahun-kahon,” pahayag ni Virgie, isang empleyado ng CSWDO, tungkol sa water purifying tablets na nakatambak sa ikatlong palapag ng City Hall.

“Galing Australia ‘yan,” dagdag niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Mag-iisang taon na sa Nobyembre 8 matapos hagupitin ng super typhoon ang Tacloban at iba pang lugar sa Eastern Visayas kung saan libu-libo katao ang namatay at milyon ang nawalan ng tahanan. Matapos ang matinding kalamidad, bumuhos ang ayuda mula sa iba’t ibang panig ng daidig na nagkakahalaga ng bilyung-bilyong piso.

Dati, sinabi ni Luz Aguillon, na lumalagda sa mga release order ng relief goods, na namamahagi sila ng food pack na naglalaman ng kalahating sakong bigas, 24 delata, 24 instant noodles at 20 pakete ng instant coffee nang simulan ng city government ang distribution operations noong Disyembre 2013.

Unang naubos, aniya, ay mga delata at kape.

Noong Hunyo 24, napuwersa ang CSWDO na mamahagi ng instant noodles sa mga Yolanda victim matapos maubos ang supply ng bigas. Ang huling pakete ng instant noodles ay naibigay na noong Agosto 22. - Aaron Recuenco